Abante Tonite Interactive

Pick-up sinalpok ng Mercedez Benz ng konsehal

416

Isang konsehal ng Makati City ang sugatan makaraang araruhin ng minamaneho nitong kotseng Mercedez Benz ang isang nakaparadang pick-up kahapon nang madaling-araw sa Makati City.

Agad na naisugod sa Makati Medical Center ang Councilor na si Nemesio Yabut, Jr. makaraang masaktan sanhi ng malakas na pagbangga nito sa Nissan Frontier pick up (ZGY-724) na pag-aari ng ABS-CBN television network na nakaparada sa headquarters ng Makati City Police sa Brgy. San Antonio.

Sa imbestigasyon, mabilis na tinatahak ni Yabut ang Ayala Avenue sakay ng mamahaling sasakyan na may plakang VFP-939 patungo sa Yakal St. mula sa Kamagong St. dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang mawalan ng kontrol at bumangga sa nakaparadang sasakyan.

Sa pahayag ni Makati City Police Public Information Office head Maj. Gideon Ines, galing umano sa isang pagtitipon si Yabut at sinasabing nasa impluwensiya ng alak nang mangyari ang insidente.

Matatandaan na tumakbo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng lungsod ng Makati si Yabut subalit nabigo makaraang talunin ni Congressman Luis Campos na asawa ni Makati Mayor Abby Binay.

Patuloy pang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Makati City Traffic Bureau sa naganap na insidente. (Armida Rico)