Abante Tonite Interactive

Pido sa laban sa Ginebra: Bahala na si batman

327

Semis 1 ngayon: (Smart Araneta Coliseum)
6:30pm — NorthPort vs. Ginebra

Classic ang panalo ng No. 8 NorthPort Batang Pier laban sa top seed NLEX Road Warriors sa quarterfinals ng PBA Governors Cup nitong November 28.

Tatlong overtime ang kinailangan ng Batang Pier para kumpletuhin ang paglusaw sa twice-to-beat edge ng Road Warriors 126-123.

Sa panalo ay nag-gate crash sa semis ang NorthPort, naging unang eighth seeded team na sumipa sa No. 1 sa playoffs tapos ng Powerade noong 2012 nang biktimahin ang B-Meg.

Sina Christian Standhardinger, Michael Qualls at Sean Anthony ang bumida sa Batang Pier na umahon pa mula 16-point deficit bago naisagawa ang upset.

Sa loob ng record (locals) na 61 minutes, nagsumite si Standhardinger ng 33 points, 23 rebounds at 7 assists. May 31 markers, 21 boards, 4 feeds at 5 blocks si Qualls sa halos 62 minutes din, 30 pts. at 11 rebs. kay Anthony.

Si Standhardinger ang nagsalpak ng free throws na nagtulak sa NorthPort sa tatlong puntos na bentahe 1.8 seconds na lang, ‘di na nahatak sa fourth OT ang laro nang kumabyos ang 3-pointer ni Kiefer Ravena sa kabila.

Sa pangalawang pagkakataon sa prangkisa, nasa final four ang Batang Pier.

Makalipas ang dalawang linggo, babalik ng Smart Araneta Coliseum ang mga ito ngayong araw para um­pisahan ang best-of-five series kontra No. 4 Ginebra.

Ipinahinga muna ni coach Pido Jarencio ang team, maliban kay Standhardinger na nangampanya at naka­sungkit ng gold kasama ng Gilas Pilipinas sa SEA Games.

“Ang importante, namnamin natin ‘tong panalong ‘to,” ani Jarencio. “’Yung against Ginebra, bahala na kung ano’ng gagawin ni Batman saka ni Cachupoy.”
Sa loob ng 16 na araw, siguradong pinaghandaan ng Batang Pier ang Gin Kings na tinalo rin nila 98-96 sa eliminations. (Vladi Eduarte)