Abante Tonite Interactive

Piggery helper kinadena, binusalan, sinaksak ng lover

418

Ipinaaresto at pinakulong ng isang 23-anyos na piggery helper ang kanyang live-in partner at nag-alaga sa kanya simula sa kanyang pagkabata matapos siyang ikinadena, suntukin sa mukha, tusukin ng payong at saksakin ng gunting sa braso ng kanyang live-in partner na umano’y utos ng kanyang tiyahin dahil lamang sa simpleng ‘di pagkakaintindihan sa Bacoor City, Cavite.

Kinilala ang biktima na si Pearl, helper sa isang piggery at itinurong suspek ang live-in partner nitong si Jemsly Arcega, 18, at tiyahin nitong si Divina, 51, da­laga, may-ari ng piggey, kapwa residente ng Brgy. San Nicolas 3, Bacoor City, Cavite.

Sa ulat ni P/SSgt. Roy Vincent Reyes, ng Bacoor City Police Station, alas-9:30 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente kung saan kapwa nagtatrabaho ang mag-live-in partner sa piggery ni Divina sa Green Valley­ Creekside, Brgy. San Nicolas 3 ng naturang Lungsod.

Nautusan umano ang dalawa na kumuha ng mga pagkaing baboy nang napahiwalay ang biktima sa mga suspek na ikinagalit ni Jemsly­ kaya pag-uwi nila sa kanilang bahay ay kinaladkad ng huli ang biktima, iginapos at ikinadena.

‘Di pa nasiyahan, binusalan pa ang bunganga ng basahan saka tinakpan ng packaging tape, tinusok ang katawan nito ng payong,­ sinuntok sa mukha at sinaksak gamit ang gunting­ sa braso na pawang utos umano ng kanyang tiyahin.

Pag-alis ng dalawa ay nagawa nitong makatakas matapos maiwan ng kanyang live-in partner ang susi ng padlock kaya nakapagsumbong ito sa barangay na ikinaaresto ng dalawa.

Sa presinto, tinatanong ng biktima kung kaya pa nitong makipag-areglo sa live-in partner at sa kanyang tiyahin subalit nanindigan ito na ipapakukukong niya ang dalawa dahil sa sinapit na pahirap.

Sa ngayon ay tini­tingnan ng pulisya ang anggulong may ‘relasyon’ ang live-in partner ng biktima sa kanyang tiyahin dahil sa pagiging sunod-sunuran umano ng lalaki sa utos ng tiyahin. Inihahanda na ang isasampang kaso laban sa dalawa. (Gene Adsuara)