Abante Tonite Interactive

Pigilan ang TRAIN 2

FOR THE RECORD

By
203

Pumasok na ang ‘ber months’ pero parang hindi excited ang publiko sa nalalapit ng Christmas season.

Iba kasi ang kanilang nararamdaman. Hindi nila nararamdaman ang simoy ng Kapaskuhan dahil sa bigat na nararanasan nila sa buhay sa kasalukuyan tulad na lamang ng napaka­taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo dahil sa ipinatupad ng TRAIN 1.

Sa pagtaas ng inflation rate heto’t hindi na nila mapagkasya ang kanilang budget sa pang-araw-araw ng pangangailan. Kulang na, kapos pa. Iyan ang sagot nila kung tatanungin mo kung paano nila iniraraos ang isang araw.

Noong hindi pa batas ang TRAIN 1, ang presyo ng bigas nasa pagitan gn P43 hanggang P48 pero ngayon aba’y pumalo na ito sa P50 hanggang P55 kadala kilo. Ang bilis sumirit ‘di po ba.

Dahil din sa TRAIN 1 nadagdagan ng P1.20 ang kada litrong taas-singil sa produktong petrolyo kaya naman humirit ang transport group ng dagdag-singil sa pasahe.

Sa kabilang banda, pinakamataas ang 6.4 percent inflation rate sa nakalipas ng siyam na taon at inaasa­hang tataas pa ito kung itutuloy ang pagpasa ng Tax Reform for Attrac­ting Better and High-quality Opportunities (TRABAHO) Bill or TRAIN 2.

Nakalusot na ang TRAIN 2 sa second reading sa Kamara kaya naman nanga­ngamba ang publiko na maaring makalusot din ito sa Senado dahil mayorya nito ay malapit sa administrasyon.

Sa ngayon, wala pang mag-sponsor ng TRAIN 2 sa Senado at dasal ng masang Filipino, hindi ito makalusot sa Senado nang sa gayong ay mabawasan ang bigat ng buhay na naranarasan sa kasalukuyan.

Sana naman hinay-hinay itong mga economic manager ng administrasyon, ang pakinggan ang daing ng taumbayan.

At ang mainam nilang gawin, mag-concentrate na lang silang maibaba ang inflation at presyo ng mga bilihin. Hindi pa kasi nakakarekober ang mga consumer sa pagtaas ng mga bilihin dahil sa TRAIN 1 ay heto’t atat silang itulak ang TRAIN 2.

Huwag naman please, parang awa n’yo na!

Pangamba ng ilang mambabatas, lalong tataas na basic commodities kung aaprubahan nang pinal sa Kongreso ang TRAIN 2 o TRABAHO bill. Kaya ang tanong natin sa masang Filipino, kaya pa ba?