Abante Tonite Interactive

Pikon talo sa e-power

216

Hindi maganda ang nangyayari ngayong hidwaan sa pagitan nina Senador Grace Poe at DOTr Sec. Arthur Tugade ­dahil sa emergency power.

Ang nangyayari kasi imbes na maresolba ang sinusolusyunang problema sa hebigat na trapiko sa Metro ­Manila ay ang awayan ng dalawang kampo ang naha-highlight.

Sa katunayan may sumawsaw na grupo sa sigalot na ito at nakiisa kay Sen. Poe sa pana­wagang palayasin na sa puwesto si Tugade dahil wala naman itong solusyong naipatutupad para matuldukan na ang problema sa trapiko.

Hindi natin maiiwasang mauwi sa pagpapatalsik kay Tugade ang ihihirit ng ilang grupo at mga opisyal ng gobyerno na hindi kuntento sa kanyang performance.

Pero hindi rin ­natin maaaring sisihin si Tugade dahil ­kumbaga ay nakagapos siya ­bunsod ng nakabinbing e-power.

Ang nakikita naman nating salto sa DOTr ay ang pagpupumilit nitong makamit ang ­e-power kahit ilang ­beses na itong binutata ng ­Senado sa ­pangunguna ni Sen. Grace.

Ang dapat ay nagpursige ito sa paghaha­nap ng solusyon para mabawasan ang ­problema sa trapiko at hindi ­iniasa sa ipinagkakait na ­e-power.

Magkagayunman ay umaasa tayong matatapos din ang kanilang iringan at sa halip ay magkatulungan para mabawasan naman ang paghihirap na dinaranas ng publiko sa matinding problema sa trapiko.

Sobrang nakakabahala na ang sitwasyon lalo na’t marami na tayong mga kababayan ang nauubos ang oras sa biyahe kaysa sa pamilya.

Huwag natin ­hayaang maging normal ang ganitong kalakaran ­dahil pagkasira ng ­pamilya ang maaari ­nitong idulot.