Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Piliin ang karapat-dapat na tandem sa 2022 eleksiyon

0 162

Sa kasaysayan ng eleksyon sa ating bansa, ilang ulit na nating napatunayan na hindi maganda kung ang nailuluklok nating presidente at bise presidente ng bansa ay hindi magka-tandem. Pagkatapos ng eleksyon, ang pangalawang pangulo ay nagiging palamuti lamang at talagang hindi pinagkakatiwalaan ng presidente pagdating sa pamumuno.

Sa tuwing aalis ng bansa ang Pangulo, sa halip na ang bise presidente ang tumayong caretaker ng gobyerno ay pumipili lamang ang pngulo ng isang pinagtitiwalaang opisyal mula sa kanyang grupo at dedma sa ikalawang pangulo na siyang pinagtiwalaan at ibinoto ng taumbayan. Kaya naman sa umpisa pa lamang ng liderato ay dibisyon agad ang namamayani.

Dito na pumapasok ang importansya ng tandem. Kailangang magkatandem ang piliin nating pangulo at bise presidente para iisa ang takbo ng kanilang mga plano para sa ikabubuti ng bansa. Kung magtutulungan ang presidente at bise presidente, mas magiging maganda ang performance ng gobyerno. Hindi mananaig ang siraan at kontrahan na nakakagulo lamang sa bayan. Kumbaga sabi nga sa isang kasabihang Ingles, “United we stand, divided we fall.” Kung may pagkakaisa, mas madaling makamit ang tagumpay at progreso samantalang kung laging nag-aaway ay mas madali tayong babagsak.

Sa puntong ito, kailangang pakasuriin na natin ang listahan ng mga magkakatandem na tumatakbo para pagdating ng Mayo ay manaig ang isang karapat-dapat na tandem. Pero may napipisil na ba kayong tandem para sa pangulo at pangalawang pangulo?

Base sa pananaw ng mga political analyst, nakakaungos sa pagkakaroon ng balanseng tambalan ang mga pambato ng Partido Reporma na sina Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Napatunayan ito sa katatapos lamang na survey kung saan lumitaw na sina Lacson at Sotto ang itinuturing na pinakamatinding makakalaban ng tambalang ng mga anak ng dati at kasalukuyang presidente.

Kung ang ibang tambalan ay parang hindi pinag-isipan at ang iba naman ay tila pilit na pilit lamang, itong tambalan nina Lacson at Sotto ay plantsadong-plantsado. Kumbaga ay matagal pinag-isipan, matagal tinimpla kaya handang-handa na sila. Ang tandem nina Lacson at Sotto ang kauna-unahang nagpahayag ng kanilang kandidatura. Habang ang iba’y nagpapakipot pa at parang bagyong pabago-bago ng direksyon, sina Lacson at Sotto ay nagpakitang seryoso sila sa kanilang desisyon na paglingkuran ang bansa bilang pangulo at pangalawang pangulo.

Sabi nga ni Sotto, noon pa lamang Hunyo ay naihanda na nila ang mga programa at plataporma na gagamitin nila upang masolusyonan ang mga problemang kinakaharap ng bansa. Kung ang ibang kumakandidato sa presidential at vice presidential post ay may pinagdaraanan pang drama sa buhay at tila mga pabida sa teleseryeng may pag-iyak-iyak pa, ang tambalang Lacson-Sotto ay diretso at walang paligoy-ligoy sa halip ay solidong partnership ang kanilang ipinaglalaban.

Nakakatakot din na sa kadadrama ng mga napipisil nating lider, baka pag naupo sila sa puwesto ay mas umaatikabong drama pa rin ang mapala natin. At kung hindi totoong nagkakasundo ang magkatandem, malamang na magdiborsyo rin sila sa kalaunan.

May ilang buwan pa tayong mag-obserba at mag-isip. Hanapin natin ang tandem na tunay na makatutulong sa bansa. Huwag na tayong paapekto sa aktingan ng ibang kandidato!

Leave A Reply

Your email address will not be published.