Abante Tonite Interactive

Pinabarangay sa utang

437

Dear Atty. Claire,

Gusto ko lang magtanong kung ano ang aking gagawin.

Ako po ay may pagkakautang ng P16,000 na dalawang buwan na. Gusto ko po siyang bayaran ng partial na P3,000 kada buwan pero ayaw po ng pinagkakautangan ko.

Gusto niya buo kaya lang wala naman po ako sa ngayon pambayad, pero pinabarangay pa rin ako.

Ano po ang dapat kong gawin?

Salamat po,
Edgar

Dear Mr. Edgar,

Wala naman po tayong magagawa at hindi natin mapipilit ang nagpautang na tanggapin ang binabayad ninyong partial dahil gusto niya ay buo. Hindi rin natin siya mapipigil kung ­gusto niya kayong ipa-barangay kayo para makasingil.

Ang maaari lamang ninyong gawin ay ipaalam sa barangay ang alok ninyong P3,000 bilang partial payment at dalhin ninyo ang cash na ito upang mailagay sa minutes of the hea­ring na handa kayong magbayad at hindi nanloloko.

Sabihin din sa barangay ang ­schedule of payment na kaya ng inyong bulsa hanggang sa matapos na mabayaran ang utang.

Hindi ninyo nabanggit kung may kasulatan kayo tungkol sa interest. Kung wala kayong usapan ay masuwerte kayo dahil hindi na lalaki pa ang utang ninyo dahil ­principal amount lang ang babayaran ninyo. Kung may interest naman ay ­magagamit mong valid reason na dapat na hindi na kayo magbayad ng malaking interest dahil handa na kayong magbayad ng P3,000 na dapat ibawas na sa utang para hindi na lumaki pa pati ang interest.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8922-0245/8514-2143 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com. Please subscribe to my YouTube channel (Atty. Claire Castro), watch, like and share my vlogs.