Abante Tonite Interactive

Pinagawang bahay iniwan ni engineer

0 662

Dear Atty. Claire,

Dati po akong overseas Filipino worker at ang mister ko ay ibang lahi. Nakapag-ipon kami pareho at nagpasyang dito na sa Pilipinas manirahan.

Sa Bulacan po kami nakabili ng lupa at nagpagawa ng bahay na anim hanggang walong buwan ang taning para tapusing gawin.

Marami po akong pinirmahan na papeles sa bahay ng engineer at bibigyan daw po ako ng kopya matapos papirmahan sa engineering department sa munisipyo.

Umabot ng 10 buwan ang bahay at ‘di pa tapos at pinabalik-balik ako sa bahay para makuha ang kontrata pero walang maibigay dahil nagkasakit ang engineer.

Umabot ng 15 buwan ang bahay na ‘di pa natatapos at iniwan ng tauhan niya ang susi sa kapitbahay at sinabing wala nang gagawa doon.

Hindi man lang nakipag-usap sa amin. Nasa 90% na po ang naibayad namin sa kanya at natira ang 10% na nabawasan na rin dahil wala ng pondo sa mga materyales na kailangan at doon ko po ibinabawas ang gastusin na sang-ayon din siya.

Wala po syang ibinigay na C.O.C (ako na rin ang nag-asikaso) nag-iwan pa ng mahigit P8,000 na unpaid bill sa tubig at P400 sa kuryente. Hindi rin nagbigay ng warranty ng bahay.

Hindi po siya nakikipag-ugnayan sa amin at wala po akong balak makipag-usap sa dahilan na naninigaw at masakit magsalita na nagdudulot ng aking high blood at ang asawa ko po ay bawal ma-stress dahil sa kanyang sakit. Attorney please tulungan nyo po kami.

Maraming salamat

Maris

Ms. Maris,

Ngayon pa lamang ay ipunin na ang mga dokumento na maaari mong gamitin kapag nagsampa ka ng kaso laban sa contractor mo. Magagamit mo ang mga picture na nakunan mo habang gumagawa sila o kaya mga email sa iyo tungkol sa progreso ng ginagawa nila.

Alamin mo kung ano ba ang profile ng kompanya ng engineer na sinasabi mo upang malaman mo kung totoo nga ba siyang engineer o isang peke o huwad. Kapag nalaman natin na siya ay peke at walang lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC) ay sampahan natin ng estafa dahil sa kanyang pagpapanggap.

Kung sakali naman na siya ay lehitimo ay alamin natin ang record niya sa PRC at sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB) (kung may project siya) upang malaman natin kung marami na ba siyang kasong kapareho ng sa iyo na may panloloko upang mapatunayan natin ang kanyang modus operandi.

Maaari natin siyang patanggalan ng titulo bilang engineer kung hindi pa rin niya tatapusin ang bahay ayon sa inyong napag-usapan.

Kung mapatutunayan naman na wala naman siyang balak na manloko sa iyo at mawawala ang elemento ng fraud sa inyong usapan ay masasampahan mo pa rin siya ng kasong sibil tulad ng complaint for specific performance with damages. Makakahingi ka ng danyos sa mga perwisyong naidulot ng kanyang pagiging in bad faith.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8410-7624 o 8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.