Abante Tonite Interactive

Pinagmulta ng FDA Lazada, Shopee nagbebenta ng pekeng gamot

377

Pinagmumulta ng Food and Drugs Admi­nistration (FDA) ang mga online store na Lazada, Shopee gayundin ang Online Grocery PH at Merz Pharmacy dahil sa pagbebenta ng mga gamot nang walang awtorisasyon mula sa ahensiya.

“‘Yung na-report sa atin a few months ago, sinulatan natin sila at pina-explain at nakita natin na talagang may pagkukulang. Meron tayong tatlong online selling platform na pinatawan natin ng fine ranging from P100,000 to P500,000 depende kung ano ‘yung dami ng produkto nila na ino-offer na gamot online at meron din tayong isang pharmacy na winarningan na magba­yad siya ng fine at maari siyang matanggalan ng license to operate kasi hindi puwede na ang isang drusgtore ay magbenta ng gamot online,” ayon kay FDA chairman at DOH Spokesman Eric Domingo.

Sinabi ni Domingo na wala umanong license to operate kaya hindi sila puwede na magbenta ng gamot kung walang lisensiya.

Nabatid sa opisyal na patuloy nilang mino-monitor ‘yung mga drug store pero hanggang sa ngayon ay wala pang nahuhuli ma­liban sa Merz Pharmacy.

Gayunman, maari naman umanong mag-request sa FDA ang mga drug store ng extra activity.

“Ibig sabihin maaring mag-order online ng isang kliyente nila pero pag kailangan kukunin na niya ang gamot, kailangan pa rin niyang kunin doon sa pharmacy kung saan ito naka-store nang tama at matsi-check ‘yung kanyang reseta bago ibigay sa kanya. Hindi puwede na babayaran niya online tapos ide-deliver sa kanya ang gamot. So far wala pa naman tayong ibang pharmacy na nag-attempt uli na magbenta,” ani pa Domingo.

Pinaalalahanan rin ng opisyal ang mga drug store na pinapayagan lamang sila na magbenta ng kanilang mga produkto sa kanilang tindahan.

Una nang sinabi ng FDA sa mga online store na kinakailangan na kumuha ng kaukulang lisensiya para magawa nila ang magbenta ng gamot.

Nagbabala rin ang FDA na ang gamot na nabibili sa online ay maaring magdulot ng serious side effects at health problems lalo na kung hindi nabibigyan ng naayon na storage.

Sinabi ng FDA na kahit kahalintulad ang gamot na nabibili online sa nabibili sa drug stores ay walang garantiya na genuine o hindi peke ang mga ito.

Bukod pa sa Pilipinas, hindi pinapayagan ang pagbebenta ng gamot online.

Ang pinapayagan lamang ng FDA ang online ordering services kung ang nagbebenta ay may existing FDA-licensed pharmacy o kung isa itong accredited na Botika na may physical address.

Sanhi nito, pinayuhan ng DFA ang publiko na bumili lang ng gamot sa sa mga lisensiyadong drug store. (Juliet de Loza-Cudia)