Abante Tonite Interactive

Pinagtripan sa Navotas kritikal sa bugbog, saksak

By
514

Nasa kritikal na kundisyon nang isugod sa pagamutan ang isang 22-anyos na construction worker matapos na mapagtripang bugbugin at saksakin ng dalawang lasing na mangingisdang nakasalubong lang niya sa Navotas City kahapon ng madaling-araw.

Inoobserbahan pa sa Tondo Medical Center ang biktimang si George Fausto na residente ng Brgy. North Bay Boulevard South, Navotas.

Naaresto naman sa follow-up operation ng mga pulis ang dalawang suspek na nakilalang sina Michael Ramirez, 23-anyos, at Jomar Ricaro, 19-anyos, parehong mga binata at mangingisda na mga nakatira rin sa nasabing lugar.

Sa ulat ng tanggapan ni Sr. Supt. Brent Milan Madjaco ng Navotas City Police, pasado alas-dos ng madaling-araw nang makasalubong ng biktima ang dalawang suspek na parehong lango sa alak.

Ilang hakbang pa lamang na nakakalagpas ang biktima sa mga suspek ay binalikan siya ng mga ito at pinagtulungang bugbugin saka pinagsasaksak pa bago mabilis na nagsitakas.

Sa kabila ng mga tama ng saksak ay nakahingi ng saklolo ang biktima sa katrabahong si Elios Untino na nakatira malapit sa lugar na pinangyarihan ng krimen kaya mabilis siyang naisugod nito sa ospital.

Nakakulong ngayon sina Ramirez at Ricaro sa selda ng Navotas Police Station at nahaharap sa kasong frustrated homicide.