Abante Tonite Interactive

Pinahiya ni titser, grade 8 lumaklak ng 20 tableta

851

Matapos umanong ipahiya ng kanyang titser sa harap ng mga kaeskuwela, nagpasyang kitilin ng isang Grade 8 pupil ang sariling buhay sa pamamagitan ng pag-inom ng 20 tableta sa Dingras, Ilocos Norte noong Miyerkoles.

Ayon sa Dingras Police Station (DPS) ang biktimang itinago sa pangalang ‘Alyssa’ ay nasa 8th grade sa isang eskuwelahan sa nasabing bayan.

Sa inisyal na imbestigasyon ng DPS, break-time umano ng mga estudyante at may kausap si ‘Allyssa’ sa mobile phone nang makita siya ng adviser niyang si Luvenia, sinita at sinabihan umano ng masasakit na salita habang nasa tabi ng ilang estudyante sa loob ng eskuwelahan.

Ayon sa pulisya, matapos ang insidente ay biglang umuwi ang biktima at ayon sa ina nito’y iyak nang iyak habang nasa loob ng kanyang kuwarto.

Pagkalipas ng ilang oras, nakita na lamang nila si ‘Alyssa’ na nakabulagta sa kanyang kama at bumula ang bunganga dahil sa ininom sa 20 pirasong tabletang ‘di na natukoy.

Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit dead-on-arrival na ito.
Ayon naman sa principal ng eskuwelahan, hindi niya muna pinaharap sa media si Luvenia dahil kakausapin pa niya ito tungkol sa tunay na pangyayari.

Pursigido namang magsampa ng kaukulang kaso ang pamil­ya ni Alyssa. (Allan ­Bergonia)