Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pinaimbestigahan sa IATF: Cong Tan pasaway sa libreng flu bakuna

0 92

Hiniling ng mga residente sa Quezon na paim­bestigahan sa Inter-Agency Task Force (IATF) si 4th District Congresswoman Helen Tan dahil sa umano’y paglabag sa COVID-19 protocol ng inilunsad nitong proyekto.

Maraming netizens ang umalma sa ‘free flu vaccination drive’ ni Tan sa Sentro Pastoral Compound sa Brgy. Isabang, Lucena City dahil sa umano’y kawalan ng kaayusan sa buong programa.

Anila, hindi raw ito ang unang event ng mambabatas na posibleng nagkahawaan ang mga tao dahil sa kawalan ng kaayusan.

Marami sa kanila ang galit na nag-post sa social media dahil alas-6:30 pa lamang ng umaga ay nagdulot na ng malubhang pagsisikip sa daloy ng trapiko ang event at dinagsa ito ng mga walang pakundangan sa IATF protocols gaya ng social distancing at pagsusuot ng mask at face shield.

Inireklamo rin ng karamihan na mas malakas pa raw ang sound system ng kinatawan kumpara sa misa ng kalapit na simbahan.

Nagtataka rin ang isang residente dahil hindi naman kasama sa distrito ni Tan ang Lucena kung saan ginawa ang libreng bakuna.

Ayon sa kanila, hindi dapat ito hinayaan ng kongresista dahil nagkukumahog na ang gobyerno upang mapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa tapos naglunsad pa siya ng nasabing programa.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang kongresista sa eskandalo sa COVID-19.

Matatandaang noong Marso ay kinastigo si Tan ng IATF dahil sumingit ito sa pagpapabakuna kahit A1 category pa lang o medical frontliners pa lang ang dapat mabakunahan.

Samantala, giniit naman ni Tan na hindi nila inasahan ang pagdagsa ng mga tao sa isinasagawang flu vaccination.

“Ang unang larawan ay ang pagdagsa ng mga tao na wala sa schedule. Pangalawang larawan ay naisaayos sa tulong ng PNP Lucena,” depensa niya pa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.