Abante Tonite Interactive

Pinakahinayupak na lansangan sa mundo

197

Habang papalapit nang papalapit ang Pasko, lalo namang pasikip nang pasikip ang lansa­ngan sa maraming lugar sa Pilipinas — lalo na sa Metro Manila. Kaya naman ayon sa traffic navigation app na Waze, ang Metro Manila ang posibleng manalo ng titulong ‘world’s worst city for drivers’.

Wala naman sigurong aangal kung ang Metro Manila nga ang mabansagang lugar na may pinakahinayupak ang lansangan dahil sa trapik. Aba’y mapapaluhod ka sa pasasalamat kapag may nadaanan kang pangunahing kalsada na makakaarangkada ang sasakyan na parang makikipagkarerahan.

Pero madalas [lalo na kung apurahang oras], kung nagko-commute ka eh iisipin mong sana ay may pambili ka ng motorsiklo o kaya naman eh may shower room sa pinapasukan mong trabaho para magbibisikleta na lang dahil tiyak na mas magiging mabilis ang biyahe mo.

Sa impormasyon mula sa Waze, nasa 4.9 minuto ang kakainin ng motorista bago siya makabiyahe sa layong isang kilomentro sa Metro Manila. Mas masahol daw iyan sa apat na minutong travel time sa isang kilometro sa Bogota, Colombia, at 3.83 minuto naman sa Jakarta, Indonesia.

Ang datos eh para raw sa buwan pa lang ng Setyembre kaya inaasahan na lalala pa ang bagal ng usad ng sasakyan sa Metro Manila habang papalapit ang tinatawag na ‘Christmas rush’. Sa totoo lang, buong taon naman yatang may ‘Christmas rush’ sa Metro Manila dahil nga sa trapik.

Ang malungkot nito, may malaking epekto ang mabigat na daloy ng trapik sa kabuhayan ng mga tao at maging sa potensiyal na kita ng gobyerno. Batay kasi sa pagtaya noon ng Japan International Cooperation Agency (JICA), P3.5 bilyon bawat araw ang halaga ng trapik sa Metro Manila. At kapag pinabayaan, aabot ito sa P5.4 bilyon sa 2035.

Pero maliban sa nawawalang potensiyal na kita, higit na mala­king bagay ang buhay na masasayang. Dahil nga sa trapik, hirap bumiyahe ang mga ambulansiya na may sakay na pasyente. Bukod kasi sa sobrang puno na ng mga sasakyan ang kalye, sadyang may mga driver din na pasaway na hindi marunong magbigay.

But wait there’s more mga tropapets, mara­ming oras din ng mga tao ang nasasayang sa kalye kapag naipit ang sinasakyan nilang bus, UV Express o jeep sa trapik. Sa halip na nakakapagpahinga na siya sa bahay para paghandaan ang panibagong araw ng trabaho kinabukasan, ayun ang pob­reng manggagawa, sumisinghot ng usok at nagpupuldo ng alikabok sa kalye.

Kung magulang naman ang manggagawa, sa halip na magkaroon pa siya ng oras na makipaglaro sa anak o tumulong sa paggawa ng assignment nito, aba’y pag-uwi niya sa bahay eh tulog na ang lahat dahil hatinggabi na. Ang pobreng manggagawa, masuwerteng makatulog ng limang oras at gigising uli para makipagbuno sa trapiko.

Pero hindi lang sa trapik kilabot ang kalye sa Metro Manila, nandiyan din ang mga pasaway na driver; tulad ng mga kamote rider at tricycle driver.

Kamakailan nga lang eh may nag-viral na video sa social media na may isang rider na ala­nganin ang liko sa u-turn slot pero tumuloy pa rin sa halip na dumiretso na lang at maghanap ng susunod na u-turn slot.

Ang resulta, ang isang kotse na muntik na siyang mahagip eh big­lang napatigil. Ang masaklap, ang sasakyan sa likod ng kotse ang hindi kaagad nakapag-break kaya nabangga niya ang nasa unahan. Ang mokong na kamote rider na dahilan ng aksidente, ayun, umalis na parang walang nangyari.

Kaya ang mga balikbayan natin kababayan [lalo na ang mga galing sa Amerika], hinding-hindi mo mapagda-drive sa Metro Manila, hindi dahil sa trapik kung hindi dahil sa mga pasaway na driver at rider.

Pero habang wala pang malinaw na plano ang gobyerno para solusyunan ang trapik sa Metro Manila, be proud at i-enjoy na muna natin ang parangal bilang ‘world’s worst city for drivers’. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”