Abante Tonite Interactive

Pinakamahabang Pasko

305

Walang dudang ‘Christmas is in the air’ na talaga. Hindi maitatatwang pagpatak pa lang ng ber months, Pasko mode na ang marami sa atin.

Tayo raw ang may pinakamahabang pagdi­riwang ng Pasko sa buong mundo – umaabot ng mahigit apat na buwan. Katunayan, kinilala ng CNN at Guinness Book of World Records ang Pilipinas noong 2012 dahil d’yan.

Nagtatapos ang Paskong Pinoy sa unang Linggo ng Enero kung kailan ipinagdiriwang ng Simbahang Katolika ang ‘Three Kings’.

Sa totoo lang, wala pa ring makapagsabi kung saan nagsimula ang tradisyong ito ng mga Pilipino. Pero dahil karamihan sa ati’y Katoliko, sumusunod tayo sa Liturgical Calendar. Dito nakasaad na ang Advent season o ang pag­hahanda sa kapanganakan ni HesuKristo’y nagsisimula apat na Linggo bago ang Pasko.

Ayon sa sociologist na si Bro. Clifford Sorita, natural na raw sa ugali at kultura nating mga Pili­pino ang pagiging ‘festive’. Tuwing Christmas season, sinisikap na­ting magkasama-sama ang pamilya sa iisang hapag habang pinagsasaluhan ang masa­sarap na handa sa Noche Buena at Media Noche.

Kaya naman ang mga kaanak natin sa ibang bansa, gagawin ang lahat makauwi lang ng ‘Pinas. Iba pa rin kasi ang Paskong Pinoy. Ika nga nila, wala itong kapantay. Kaya pikit-mata na lang sa mga gastos pag-uwi ng ‘Pinas, ang mahalaga – sama-sama at buo ang pamilya sa araw ng kapanganakan ni HesuKristo.

Para naman sa ilang pop culture expert, nakagisnan na raw nating mga Pinoy ang mahabang pagdi­riwang ng Pasko dahil sa mga benepisyong dulot nito.

Ito raw ang pangsalba natin sa lahat ng paghihirap at mga problema ng mga nagdaang buwan. Kabilang na rito ang mga trahedya at kalamidad. Sa kabila ng masasamang karanasan, may biyaya’t grasya pa ring darating tuwing Pasko.

Iba-ibang happiness level ang hatid sa atin ng Christmas season. Ang sa akin lang, huwag sana nating kalimutan ang tunay na diwa nito – ang pagbibigayan, pagpapatawad at pagmamahalan.