Abante Tonite Interactive

Pinakamahirap na series ito — Leo

443

Para kay coach Leodovico ‘Leo’ Austria, ang natapos na 2019 Commissio-ner’s Cup finals series kontra TNT KaTropa ang pinakamahirap na napagwagian ng San Miguel Beermen.

Agad na pinasalamatan ni Austria ang mga nakatunggali sa KaTropa na sina head coach Bong Ravena at c­oaching staff nito.

“We want to thank Bong Ravena and his coaching staff for this wonderful series. Ito na ang pinakamahirap na serye na pinagdaanan namin bago kami nakapanalo,” sabi ni Austria, na napag-iwanan sa simula ng torneo bago kinuha ang serbisyo ng import na si Chris McCollough na nagawang itulak ang 7th seed na Beermen tungo sa kampeonato.

“Ngayon po ay alam na ninyo kung bakit minsan po ay hindi ko ipinapasok ang ilan sa aking mga player. Meron po silang kanya-kanyang abilidad at partikular na responsibilidad sa team,” sabi ni Austria, na nasungkit ang kanyang ikawalong korona sa loob ng siyam na beses na pagtuntong sa kampeonato kasama ng Beermen.

“Panic button na kami dahil ilang laro na lang at pupuwede kami mapatalsik. Nahulog nga kami sa ikapito dahil sa quotient system pero nakaahon kami bago namin tinalo ang napakahusay na KaTropa,” sabi ni Austria.

Matatandaang unang tinalo ng Beermen ang nakatapat sa quarterfinals na NorthPort Batang Pier bago pinatalsik ang Rain or Shine sa semifinals.
Optimistiko naman si San Miguel Beermen team governor Robert Non sa susunod na komperensiya na huling torneo na kailangan ng Beermen para maitala ang isa pang grandslam.