Abante Tonite Interactive

Pinalawig na kapangyarihan

8

Kasabay ng pag-apruba ng Kongreso sa panukalang pagsuspendi sa barangay at sangguniang kabataan (SK) elections na dapat ay itinakda sa Oktubre 31 ng taon ay ang extension naman ng isang taon sa termino ng mga nakaupong barangay officials.

Alinsunod sa inaprubahang bersyon ng Senado, matapos ang barangay at SK elections na inilipat sa ikaapat na Lunes sa buwan ng Oktubre taong 2017 ay gaganapin na ang susunod na eleksyon ng barangay at SK sa ikalawang Lunes ng Mayo 2020 na gagawin kada ikatlong taon.

Ang kulang na lamang sa inaprubahang panukala bago ipatupad ay ang pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte na batid naman nating sasang-ayunan ng Pangulo dahil kumbinsido rin ito na suspendihin ang halalan upang hindi mamaniobra ng sindikato sa iligal na droga ang idaraos na eleksyon.

Related Posts

Pinupuri natin ang Kongreso sa maagap na pag-aksyon sa usaping ito. Oo nga’t medyo naging atraso dahil nakapagsimula nang mag-imprenta ng balota ang Commission on Elections (COMELEC) pero ang mabuti ay naresolba na at tanging ang lagda na lamang ng Pangulo ang hinihintay upang maging opisyal ang deklarasyon ng suspensyon.

Ibig sabihin ng suspensyon ng eleksyon ay mananatili sa poder ang mga kasalukuyang nakaupong mga opisyales ng barangay at SK.

Nakakabahala dahil sa halip na putulin ang kapangyarihan ng mga tiwaling halal na mga barangay at SK officials ay napalawig pa. Pero kailangan itong mangyari upang hindi makaporma ang mga pinangangambahang masasamang elemento sa ating lipunan na nasa likod ng pagpapakalat ng iligal na droga at iba pang krimen.

Ang dapat na lamang gawin ng taumbayan ay magmasid na mabuti upang hindi maipagpatuloy ng mga tiwaling opisyales ng barangay at SK ang kanilang kalokohan.