Abante Tonite Interactive

Pinalutang na destab plot peke

By
13

Ginagamit umano ng administrasyon ang pagpapalutang ng ouster plot upang mailihis ang atensyon ng publiko sa isyu ng katiwalian at iba pang iregularidad.

Ito ang binigyang-diin ni Senador Kiko Pangi­linan sa gitna ng paha­yag ni Pangulong Rodrigo Duterte na may destabilization plot laban sa kanyang administrasyon.

“Walang destablization. Si DND Secretary (Delfin) Lorenzana na mismo ang nagsabi na walang ouster plot,” pahayag ni Pangilinan.

Sinabi ni Pangilinan na nais ng administrasyon na malihis ang atensyon ng media at mamamayan mula sa usapin ng katiwalin, drug smuggling ng Davao Group at ang palpak na drug war.

“Pekeng ouster plot,” tawag pa ni Pangilinan.

Iginiit ng senador na sa halip na magpaliwa­nag nais ng administrasyon na matigil ang pagkalkal at pagsiwalat sa sabwatan ng Davao Group at mga sindikato ng droga sa pagpapasok ng P6.4 bilyong shabu.

Isama pa aniya ang araw-araw na nababalitang pang-aabuso ng pulis sa war on drugs at patayan ng mga bata.

“Tinatakot at ikinukulong ang sinuman na kumontra o bumatikos. Patungo na sa diktadura ang gobyerno kung hindi tututulan ng mamamayan,” saad pa ni Pangilinan.