Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pinamili ni lola tinakas ng trike driver

0 141

Dinakip ang isang 26-anyos na tricycle driver nang tinangka nitong tangayin ang mga pinamili ng isang lola sa Imus City, Cavite, Linggo ng umaga.

Nakakulong ngayon dahil sa kasong theft ang suspek na si Lenon Coronel, binata, dahil sa reklamo ni Ofelia Carlos Topacio, 72, isang balo.

Sa reklamo ni Topacio kay P/SSg. Mark Anthony Salvador ng Imus City Police Station, inarkila niya ang suspek para sa kanyang mga pinamili subalit nakiusap muna ang lola na hintayin siya ng drayber dahil bibili muna siya ng mangga sa Imus Public Market sa Tanzang Luma 1, Imus City, alas-10:00 kahapon ng umaga.

Habang namimili ng mangga ang biktima ay bigla na lamang umanong pinaharurot papalayo ni Coronel ang sasakyan nito at itinakas ang mga pinamili ng nauna, kabilang ang mga tinapay, isda, burger patty, at mga gulay. Nagkakahalaga ng P2,970 ang mga pinamili ni Topacio.

Doon na humingi ng saklolo ang biktima sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek. (Gene Adsuara)

Leave A Reply

Your email address will not be published.