Abante Tonite Interactive

Pinangaralan sa bisyo, 2 trabahador nanunog ng bakod

0 482

Nagalit matapos na pangaralan sa kanilang bisyo, sinunog ng dalawang trabahador ang bakod at ilang kagamitan sa bahay ng isang pastora sa Tanza, Cavite Huwebes ng madaling-araw.

Kasalukuyang nakakulong sa Tanza Municipal Police Station ang mga suspek na sina Randy Pactoranan, 32, at Eddie Cedra, 47, parehong nakatira sa Brgy. Punta 1 sa nasabing bayan.

Inireklamo sila ni Gelinda Genova, 49, isang pastora at nakatira sa nasabi ring barangay.

Sa ulat ni Patrolman John Paul Cruz ng Tanza Municipal Police Station, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang sunugin ng mga suspek ang bahagi ng bakod sa bahay ng biktima.

Bukod sa bakod, sinunog din ng mga suspek ang pitong gulong at 20 paleta na pag-aari ng biktima.

Ayon kay Patrolman Cruz, bago ang panununog ay pingaralan umano ng biktima ang mga suspek hinggil sa kanilang bisyo na droga subalit minasama ito ng dalawa na humantong sa mainitang pagtatalo.

Salaysay ng ilang naksaksi sa insidente, nakita nila ang mga suspek na paikot-ikot sa lugar bago sinunog ang bakod ng biktima,

Kasong arson ang isinampa laban sa dalawang trabahador, (Gene Adsuara)