Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pinapasoli ng COA: P10B cash advance binuro ng DBM

0 148

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Procurement Service-Department of Budget and Management (PS-DBM) kung bakit hindi pa nito sinasauli sa Bureau of the Treasury ang P10.86 bilyong pondo na in-advance o dineposito dito ng ibang mga ahensiya ng pamahalaan para bilhin ang kanilang pangangailangan.

Ayon sa COA, ang P10.86 bilyon ay matagal nang nakatengga sa Procurement Service na advance ng iba’t ibang ahensiya para sa mga tinatawag na common-use supply at equipment o iyong mga supply na madalas gamitin ng mga tanggapan ng pamahalaan.

Sabi ng COA, sayang lang ang pera dahil nagamit sana ito para sa mga proyekto at programa ng pamahalaan imbes na inupuan lang sa PS-DBM.

Inirekomenda ng COA sa PS-DBM) na isauli na ang P10.86 bilyon sa Bureau of the Treasury at sabihan ang mga ahensiya na nag-advance ng kanilang mga pera para maayos din ito sa kanilang mga libro.

Ayon sa COA, nasa P31.57 bilyon ang mga pondo na inilipat ng iba’t ibang ahensiya sa PS-DBM para sa mga common use supplies and equipment (CSE). Subalit ang P10.86 bilyon ay mahigit dalawang taon nang nakatengga sa PS-DBM at hindi pa nire-remit sa Bureau of the Treasury.

Tinanong umano ng COA ang PS-DBM tungkol dito at sinabi umano ng OIC accountant ng naturang tanggapan na tanging ang mga ahensiyang nag-request lamang ng refund ang prinoseso ng tanggapan. Noong 2020, P157 milyon lamang ang ni-refund ng PS-DBM sa mga client agency nito.

“The non-remittance of the total advances of P10.870 billion…representing unutilized or undelivered CSEs and unidentified depositors, in the books, deprived the government of the use of funds in the implementation of its projects/programs,” sabi ng COA.

Ang dating DBM Undersecretary Lloyd Christopher Lao ang namuno sa PS-DBM noong 2020. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.