Abante Tonite Interactive

Pinapirma sa blangkong papel

430

Kaye Dacer

Bigyang-daan natin ang ilan sa mga liham na natanggap natin sa mga artikulong ating nailabas dito sa ating pitak.

Mam Kaye ako po ay tagasubaybay ninyo sa inyong programa sa radyo at dito po sa inyo sa Abante Tonite. Nandito po ako ngayon sa Jeddah.

Ako po ay nakikinig sa inyo sa internet at nababasa ko din ang inyong mga sinusulat sa internet online. Mam Kaye tama po ang mga raket ng ilang mga recruitment agencies na nabanggit n’yo sa inyong artikulo. Ako po ay nabiktima na din ng isang recruitment agency sa atin sa Pilipinas noong una po akong nagtrabaho sa Jordan. Dalawang beses po akong pinapirma ng kontrata.

Una po ay sa loob ng opisina ng recruitment agency ko sa Pilipinas at pangalawa po ay bago ako lumipad patu­ngong Jordan na blangko po ang aking pinirmahan. Kinukwestyon ko po bakit blangko pero wala na po akong panahon noon dahil ako po ay kailangan ng mag check in para sa aking byahe papuntang Jordan.

Hanggang sa eroplano po ay aking iniisip kung ano ang aking pinirmahan ng blangko hanggang sa nadiskubre ko po na tungkol sa aking sasahurin ang aking napirmahan na iba po sa napirmahan ko sa Pilipinas na wala naman po akong kopya kaya napakahirap po sa akin na maghabol pa.

Ang napirmahan ko po ay ako ay sasahod ng di kukulang sa P30,000 kada buwan ngunit ang binibigay lang po na sahod sa akin sa Jordan ay nagkakahalaga lamang ng P15,000 at me bayad pa po ang aking tinitirhan kaya ang akin lamang pong naipapadala sa aking pamil­ya kada buwan ay nasa P6,000 lang po.

Ganoon po ang ibang ahensya mam. Saksakan ng dupang at talaga naman pong manloloko. Sana nga po ay gawin ng POEA ang suhestyon nyo na bago makaalis ang isang ni recruit ng isang ahensya ay mismong sa airport ay mayroon ng pwedeng tumulong sa kanila. Hirap lang po kasi lalo na sa mga first timer ay di po nila alam ang kanilang gagawin kaya hirap na po silang magreklamo kagaya po ng ginawa sa akin noong una ko pong byahe bilang OFW.

Mam marami pa pong pahirap ang ginagawa ng ilang ahens’ya na sana po ay mapasara na ng POEA. Kawawa po kaming mga OFW. Salamat po at talaga pong ako ay isa sa inyong masugid na supporter. God Bless po.

Antonio H.
Jeddah, KSA