Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pinas hindi kakapusin ng mga nars – Palasyo

0 57

Kumpiyansa ang Malacañang na hindi kakapusin ng mga nurse ang bansa sakaling sunggaban ng marami nating kababayan ang alok at oportu­nidad sa Estados Unidos para doon magtrabaho.

Kasunod ito ng plano ng New York na kumuha ng mga Filipino nurse para palitan ang medical staff nila sa mga hospital at nursing homes na ayaw magpabakuna.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi pipigilan ng gobyerno ang mga gustong makapagtrabaho sa Amerika dahil naiintindihan nilang mas malaki ang kikitain ng mga ito sa ibang bansa.

Marami aniyang nakapagtapos at pumasa sa board examinations na mga nurse kaya kampante ang gobyerno na hindi magkakaubusan ng mga medical worker sa bansa.

“Sa tingin ko hindi naman po because napakadami pong mga bagong pasang mga nurses ngayon, so baka mayroon po talagang mga pagkakataon,” ani Roque.

Umaabot lamang sa 6,500 healthcare worker ang maaaring makapag-abroad kada taon matapos ipairal ng gobyerno ang deployment cap upang hindi magkaroon ng shortage sa mga ospital ngayong pandemya. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.