Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pinas lumobo utang sa P10 trilyon

0 378

Lampas P2 trilyon ang nadagdag sa utang ng pamahalaan nitong Pebrero.

Ayon sa datos ng Bureau of the Treasury (BTr) kahapon, umabot na sa P10.4 trilyon ang utang ng pamahalaan nitong Pebrero mula sa P8.17 trilyon noong Pebrero 2020.

Kung paghahatian ito ng lahat ng 109 milyong Pilipino, sanggol man o mantanda, may utang ang bawat isa ng P95,466.

Sa pangungutang umasa ang administrasyong Duterte sa mga panggastos nito noong nakaraang taon dahil sumadsad ang koleksiyon nito ng buwis nang marami ang nawalan ng trabaho at malugi ang mga negosyo dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ayon sa BTr, lumaki ang utang sa ibang bansa sa P3.04 trilyon noong Pebrero 2021 mula sa P2.72 trilyon noong Pebrero 2020.

Mabilis nagpautang ang mga multi-lateral agency tulad ng Asian Development Bank (ADB) at World Bank (WB) dahil may development objective ang mga ito at dahil din sa pangangailangan ng bansa.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang halaga ng foreign debt ay kinuwenta sa exchange rate na P48.653 kada dolyar, mas malakas kaysa sa P50.897 na exchange rate na ginamit noong 2020.

Kung hindi lumakas ang piso laban sa dolyar noong nakaraang taon, mas malaki pa ang halaga ng foreign debt ngayon.

Marami rin ang inutang ng pamahalaan sa loob ng Pilipinas na nagkakahalaga ng P7.36 trilyon mula sa P5.45 trilyon noong Pebrero 2020.

Dahil sa malaki ang utang ng pamahalaan, maraming pera ang napupunta lamang sa pagbabayad nito.

Noong Enero, P122.99 bilyon ang binayad ng pamahalaan para sa amortization ng foreign debt at P49.89 bilyon naman ang binayad sa amortization ng mga inutang sa loob ng bansa.

Ang pinambayad sa amortization ng mga utang ay higit pa sa doble ng budget ng Department of Agriculture ngayong taon. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.