Abante Tonite
Mabilis sa Balita

`Pinas mahihirapan bawiin mga sinakop ng China – Esperon

0 353

Inamin ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. na hindi magiging madali para sa Pilipinas na bawiin ang mga inangkin ng China na mga isla sa ilalim ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.

“Ang West Philippine Sea, ang Kalayaan Islands ay nandiyan, meron tayong tinatawag na Exclusive Economic Zone (EEZ) at siyam ang ating station diyan. Pero meron ding 21 na posisyon ang Vietnam at may pito rin na posisyon ang China, sila ngayon ang may pinakamalaking posisyon,” sinabi ni Esperon.

Dagdag pa nito, nagsimula na umano ang China ng reclamation sa Mischief Reef sa pamamagitan ng pagtatayo ng pitong artificial island sa nagdaang administrasyon at hanggang ngayon ay patuloy na pinagaganda at inaayos.

“Mahirap nang tanggalin `yan. Gusto nga ni [dating Supreme Court Senior Associate Justice Antonio] Carpio at ni [dating Foreign Affairs Secretary Albert] Del Rosario ay kunin natin, bawiin natin ang mga ‘yan. ‘Yong mga nagawa nilang kasalanan ay gusto nilang bigyan natin ng lunas,” ayon kay Esperon.

“Akala mo naman atin talaga lahat `yong buong 200 nautical miles. Hindi, nandiyan ang posisyon ng China at saka Vietnam, kaya hindi basta-basta ganoon. Hindi parang naglalakad ka sa Luneta Park,” dagdag ng kalihim. (Kiko Cueto)

Leave A Reply

Your email address will not be published.