Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pinas mas maganda sistema sa paglaban sa COVID kesa Amerika – Duterte

0 305

Hindi hamak na mas maganda ang ipinapatupad na sistema ng Pilipinas kaysa Amerika sa paglaban sa COVID pandemic.

Ito ang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang mensahe sa bayan dahil na rin sa nag-iiringang mga opisyal sa Estados Unidos at hindi mapasunod ang mga lokal na opisyal sa mga gustong gawin ng kanilang Presidente para bumaba ang kaso ng COVID-19.

Ayon sa Pangulo, ito aniya ang disbentahe ng Federal form of government dahil walang iisang direktiba na dapat sundin ng mga opisyal sa iba’t ibang estado ng Amerika.

Mayroon aniyang kalayaan ang mga lokal na opisyal sa Amerika na gawin ang kanilang gustong ipatupad nang hindi kailangang sumunod sa utos ng sinuman.

“There is a raging fight between federal government and itong local states sa America. Simply because there are mayors who refused to abide by these rules,” anang Pangulo.

Mas mainam aniya ang ginagawa ng Pilipinas dahil kapag naglabas ng polisiya o direktiba ang gobyerno ay kailangang sundin ito ng mga lokal na opisyal.

Sakali mang hindi sumunod ang isang opisyal, maaari itong masuspinde o mapatalsik sa puwesto.

“The only thing that is going our way in our favor is that we are a unitary type of government at saka ang hold ng central government is different from the United States. Dito sa Pilipinas pag sinabi na ganoon, ganoon talaga and you can enforce the law,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang biglang uminit ang Charter change nitong nakalipas na mga araw makaraang maglunsad ng signature campaign ang isang grupo ng mga lokal na opisyal para igiit ang pag-amiyenda sa Saligang Batas at isulong ang pederalismo.

Agad namang umani ng puna at batikos ang hakbang dahil wala umano sa timing na itinaon sa krisis ng bansa sa COVID pandemic. (Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.