Abante Tonite Interactive

‘Pinas tagilid sa climate change

193

Hindi maganda ang report kamakailan ng United Nations International Strategy for Disaster Risk Reduction (UNISDR), World Meteorological Organization (WMO) at Inter-governmental Panel on Climate Change (IPCC), tungkol sa mataas na puwesto ng Pilipinas sa hanay ng mga bansang delikado sa banta ng climate change.

Ani Albay Rep. Joey Salceda, dapat ma­ging handa ang bansa sa babalang ito ng mga nabanggit na UN body at mangyayari ito kung magiging mas tumpa­k sa pagtaya ng mapaminsalang mga bagyo na sadyang kailangan ng isang mabisang disaster resilience program.

“Ang babalang ito ay pahiwatig na dapat ngang kasama sa panukalang DDR ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astrono­mical Services Admi­nistration (Pagasa),” punto ng mambabatas.

Si Salceda ang chairman ng House committee on ways and means at pangunahing may-akda ng panukalang Department of Disaster Resilience (DDR) bill sa Kamara, na kasaluku­yang nasa Senado na.

Sa panukalang DDR, isasailalim dito bilang mga attached agency ang Pagasa at ang Phi­lippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na bahagi ngayon ng Department of Science and Technology (DOST), bukod sa ilan pang mga tanggapan upang magkakatugma at mabisang magampanan nila ang mga gawaing kaugnay sa pagsuri at pagbigay ng tamang babala tungkol sa banta ng mga kalamidad, at pagtugon dito, kasama na ang pagbibigay ayuda, pagbangon, pagbuo muli at pagsulong pagkatapos ng kalamidad.