Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Pinas uungusan 85k China covid

0 582

Patuloy ang pagsirit ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 o COVID-19 sa Pilipinas.

Base sa inilabas na bulletin ng Department of Health (DOH) nitong Linggo ng hapon, Hulyo 26, nakapagtala ng 2,110 mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 kung kaya’t umakyat na sa 80,448 ang kabuuang kaso nito sa buong bansa.

Sa nasabing bilang ay 52,406 ang aktibong kaso, 89.83% ang mild, 9.25% ang asymptomatic, 0.49% ang severe, at 0.42% kritikal sa COVID.

Ang National Capital Region (NCR) o Metro Manila ang may pinakamaraming naitala na bagong kaso ng COVID na nasa 1,345 kasunod ang lalawigan ng Cebu, 304, Laguna, 109, Negros Occidental, 66, at Rizal 40.

Nakapagtala rin ang DOH ng 382 na bagong gumaling sa COVID kung kaya’t nasa 26,110 na ang nakarekober sa naturang sakit. Samantala, nakapagtala ng 39 bagong namatay dahilan para umabot na sa 1,932 ang kabuuang bilang ng mga pumanaw sa COVID.

Dahil sa pagsirit ng COVID case sa higit 80,000 nitong Linggo, inihayag ng dating adviser ng National Task Force on COVID-19 at health expert na si Dr. Tony Leachon na nilampasan na ng bansa ang prediskyon ng mga eksperto ng University of the Philippines (UP).

Lalampasan na rin aniya ng Pilipinas ang rekord na 83,000 COVID case sa mainland China.

Subalit batay sa ulat, nasa 85,921 na ang kumpirmadong kaso ng COVID sa China, 80,519 ang nakarekober at 4,653 ang nasawi.

Lumalabas na ang bilang ng mga tinamaan ng COVID sa Pilipinas ay katumbas halos ng mga nakarekober naman sa China.

Leave A Reply

Your email address will not be published.