Abante Tonite Interactive

Pinasibak na doktor utak ng bigong ambush sa abogado?

By
1,821

Pangunahing suspek bilang utak ng nabigong pagpatay sa isang abogado ang doktor na napatanggalan umano nito ng lisensiya.

Gayunman, sinabi ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo Eleazar na inaalam pa ng mga tauhan ng Criminal Investigation Unit ang pagkakakilanlan ng dating doktor na sinasabing mastermind ng pananambang kay Atty. Argel Taar Cabatbat.

Ayon kay Eleazar, naipanalo umano ni Cabatbat ang kaso laban sa doktor na naging dahilan ng pagkatanggal nito sa trabaho at lisensiya sa Professional Regulation Commission (PRC).

Simula noon ay may mga natatanggap na umanong banta sa kanyang buhay si Cabatbat.

“Mayroon na rin kasi silang (Cabatbat) kasamahan na napatay na rin na ang kanilang pinaghihinalaan ay ‘yung parehong doktor na napatanggal niya sa trabaho. Pero dahil sa under surveillance pa, hindi muna natin papangalanan. Sa ngayon po, iyon ang ating pinu-pursue na lead, unless magkaroon tayo ng iba pang development, impormasyon na puwedeng magbigay sa atin ng ibang motibo,” ani Eleazar.

Samantala, nakaratay pa ngayon sa East Avenue Medical Center ang isa pang suspek na kasama ng napatay na pulis sa bigong ambush kay Cabatbat nitong Martes ng hatinggabi sa EDSA corner Quezon Avenue.

Tinamaan ng bala ng .9mm revolver sa kanang binti ang suspek na si John Paul Cerilo Napoles, 27-anyos, matapos na paputukan ng grupo ni Cabatbat.

Ayon kay Eleazar, sinikap na ng mga imbestigador na alamin kay Napoles kung sino ang nag-utos sa kanila para patayin si Cabatbat pero ayaw nitong magsalita. (Dolly Cabreza)