Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pinasikat si Antonio Carpio?

0 549

Hindi maiwasang magtalo-talo ng mga kurimaw nating adik sa ingay sa politika dahil sa away nina President Mayor Digong Duterte at dating Supreme Court (SC) associate justice Antonio Carpio, na isa sa mga bumuo ng koalisyon ng oposisyon na 1Sambayan.

Nitong mga nakalipas na mga linggo kasi, parang naging “apple of the eye” ng pangulo na bakbakan sina Carpio at dating foreign affairs secretary Albert del Rosario, dahil sa isyu ng West Philippine Sea.
Kabilang sina Carpio at del Rosario sa mga nanguna sa paghahabla sa China sa international court tungkol sa pang-aagaw nila sa mga teritoryo ng Pilipinas sa WPS. At siyempre gaya ng alam na ng lahat, Pilipinas ang nanalo sa kaso.

Iyon nga lang, sa halip na ipilit ni President Mayor Digong sa China na kilalanin ang naturang arbitral ruling, mas pinili ng pangulo ang diplomatikong paraan at isang-tabi ang desisyon para maiwasan ang mainit na komprontasyon na maaaring mauwi sa putukan–hindi ng kilikili kundi baka ng bomba.

Sa totoo lang mga tropapips, sa dami ng nangyayari sa WPS at maging sa buong South China Sea, parang tiyan na nakakain ng panis ang sitwasyon sa naturang malawak na karagatan. Yung bang parang hilab na hilab at kumukulo na ang sikmura na kailangan nang tumakbo sa kubeta dahil sasambulat na.

Ano nga ba ang puwedeng pagmulan ng gulo sa karagatang iyon? Simple lang, magkaroon ng aksidente ng banggaan ng mga barko ng China at mga barko ng Amerika at iba pang bansa na nagsasagawa ng “freedom of navigation” sa SCS at WPS.

Puwede rin na may magkamali ng pindot sa magkabilang panig at biglang makapagpakawala ng bomba na maaaring tumama sa barko. At puwede ring biglang salakayin ng China ang Taiwan at reresbak ang mga barkong pandigma ng US para umalalay sa Taiwan.

Pero ang usapin ng WPS, may tama rin sa politika natin sa bansa dahil ang mga opisyal natin ang nag-aaway-away. Hirit ng isa nating kurimaw, dahil sa mga patutsada ni President Digong kina Carpio at del Rosario, unti-unti raw na nakikinabang dito ang grupong 1Sambayan.

Sabi ng kurimaw natin, dahil sa ginawang paghamon ng pangulo kay Carpio ng debate pero hindi naman natuloy, malamang daw eh mas lalong lumakas ang interes ng ibang Pinoy na alamin kung sino si Carpio, inaakala ng iba eh ang malakas na nilalang sa alamat na si “Bernardo Carpio.”

Mula nga naman kasi nang ilunsad noong Marso ang 1Sambayan para pag-isahin ang hanay ng oposisyon at humanap ng magiging isang pambato sa panguluhan halalan sa 2022, aba’y wala pa man talagang malinaw na isyu ang grupo maliban sa mga reaksyon kung may malaking nangyayari sa bansa.

Pero mula nang halos linggo-linggong binabanatan ng Palasyo sina Carpio at del Rosario, mas naging madalas na ang paglabas nila sa media dahil may lehitimo na silang isyu na pinag-uusapan–lalo na si Carpio. At hindi lang iyon tungkol sa WPS, kung hindi maging pagkuwestiyon at pag-atake sa administrasyon.

Kung noon eh mailalarawan lang si Carpio bilang dati o retiradong mahistrado ng SC, ngayon, nagkaroon na siya ng persona bilang kinaiinisan o kumasa sa hamon ni President Mayor Digong, at bilang lider ng 1Sambayan.

Hirit tuloy ng isa pa nating kurimaw, baka kapag wala raw  mapiling kandidatong pangulo ang 1Sambayan para sa 2022 elections, baka ang mangyari ay taong kinaiinisan ng administrasyon ang gawin nilang pambato–si Carpio. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.