Abante Tonite Interactive

Pinatay ang ama dahil sa mana, timbog

By
1,169

Matapos ang limang taong pagtatago sa ibang bansa ay nadakip ng Phi­lippine National Police (PNP) sa tulong na rin ng International Police (Interpol) ang isang lalaki na pumatay sa kanyang ama dahil sa usapin sa mana.

Iprinisenta kahapon sa media sa Camp Crame ang suspek na si Nelson Antonio, panganay sa 10 anak ng biktimang si Antonio P. Antonio, isang negosyante.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, kamakalawa nang maibalik sa Pilipinas ang suspek matapos na madakip ito sa Abu Dhabi.

Naaresto ang suspek matapos isailalim sa Interpol Red Notice. May warrant of arrest na inisyu laban sa kanya si Judge Rolando How ng Parañaque Regional Trial Court Branch 257 at walang inirekomendang piyansa.

Napag-alaman na pinatay ang biktima noong Setyembre 11, 2013 nang pasukin ng tatlong armadong lalaki ang bahay ng pamilya sa Parañaque.

Nadakip sa follow-up operation ng mga awtoridad ang suspek at umamin umano nito na siya ang pumatay sa sariling tatay dahilan upang kasuhan ito ng parricide sa korte.

Naging kumplikado ang kaso matapos na mag-agawan ang Parañaque at Las Piñas Police kung saang lugar ito nahuli dahilan upang ibasura ng prosekusyon ito ng ahil sa teknikalidad.

Umalis ng bansa hanggang sa nadakip ng mga awtoridad ng United Arab Emirates ang suspek sa Abu Dhabi matapos na ialerto ang Interpol Red Notice.

Nagalit umano ang ama nang makadispalko ang suspek ng malaking halaga sa kompanyang pinatatakbo nito. Nagbanta ang ama na hindi makakatanggap ng mana ang suspek dahilan upang isagawa nito ang krimen.