Abante Tonite Interactive

Pinatay na 3 BuCor off’l, amoy GCTA scandal

0 466

Masusi ngayong iimbestigahan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang nangyaring pagpatay sa tatlong opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) na sinasabing may kaugnayan sa daang pagpapalaya sa mga heinous crime convict na sumailalim sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).

Huling napaslang si Ruperto Traya Jr., administrative officer ng prison bureau’s document processing division, matapos itong pagbabarilin ng motorcycle riding in tandem kamakailan sa Muntinlupa City.

Inihayag ng isa sa mga testigo sa Senado, na nakipagkita siya kay Traya para sa negosasyon sa ilang opisyal ng BuCor hinggil sa bentahan ng GCTA upang mapalaya ang kanyang mister mula sa bilangguan.

“Nitong lumutang nga itong issue sa GCTA at lumabas itong witnesses during the Se­nate hearing, itong GCTA naging probable motive rin dito sa pagkamatay ni Traya,” saad ni NCRPO director Major Gen. Guillermo Elea­zar.
Ayon pa kay Eleazar, noong Setyembre 2018, pinagbabaril at pinatay din ng riding in tandem si BuCor Inspector Rommel Reyes at makalipas ang dalawang buwan ay pinatay din ang isa pang opisyal na si Angelita Peralta.

“Tinitingnan natin kung posible ba na itong mga napatay na kawa­ning ito e may kaugnayan ito. Pero sa ngayon, wala tayong nakitang lead na ganoon,” sabi pa ni Eleazar.

Sa ngayon ay wala pa aniya silang mga person of interest sa naganap na pagpatay sa mga opisyal ng BuCor. (Armida Rico)