Abante Tonite Interactive

Pinatay na radyo pinag-awayan, construction worker todas

275

Kamatayan ang sinapit ng isang 26-anyos na obrero makaraang mapatay sa saksak ng nakaalitang kainuman dahil sa pinatay na radyo, Linggo nang gabi.

Naganap ang insidente sa Purok 2, Sitio Mapac-ol, Brgy. Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija.

Dakong alas-8:30 nang gabi kaharap sa inuman ng biktimang si Dennis Asuncion Cabatin, tubong-Tarlac, ang salarin na si Gil Ganaban de Leon, 31, kapwa residente ng naturang lugar.

Nagsimula umano ang pagtatalo nang i-off o patayin ni De Leon ang radyo na ikinagalit ni Cabatin dahil nakikinig ito ng paboritong tugtog.

Sa puntong iyon ay kaagad sinuntok ni Cabatin si De Leon, gumanti naman ang huli ng bumunot ito ng patalim saka inundayan ng saksak ang biktima.

Naisugod si Cabatin sa pagamutan pero hindi umabot nang buhay.

Sa tulong ng mga bantay bayan ay naaresto ang salarin at kinasuhan ng homicide sa city prosecutor’s office. (Jojo De Guzman)