Abante Tonite Interactive

Pinay, asawang Briton dinukot sa resort

0 366

Kasalukuyang nagsasagawa ng pursuit operations ang mga awtoridad kaugnay sa pagdukot sa isang British national at asawang Pinay na kinidnap sa loob ng pag-aari nilang resort sa Tukuran, Zamboanga del Sur, Biyernes nang gabi.

Kinilala ni Police Corporal Noriel Borromeo ng Tukuran Police Station, ang mga biktima na sina Allan Arthur Hyrons, 70-an­yos, at Wilma Paglinawan Hyrons, nasa hustong gulang.

Ayon sa report, dinukot ang mag-asawa ng apat hanggang anim na armadong kalalakihan bandang alas-6:50 ng Biyernes nang gabi sa isang beach resort compound sa Barangay Alindahaw, Tukuran.

Dinukot ang mag-asawa at agad na isinakay sa dalawang nakaabang na motor boat na nagtungo sa Yllana Bay habang ang isa ay papuntang Sultan Naga Dimappro sa Lanao del Norte.

Nabatid na pag-aari din ng mag-asawa ang Hyron College Philippines.
Kasalukuyang nagsasagawa ng pursuit operations ang mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek at agad na ma-rescue.

Nakikipag-coordinate umano ang militar katuwang ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) upang mailigtas ang mag-asawa.

Samantala, inalerto na ni Zamboanga del Sur Gov. Victor Yu ang lahat ng tropa sa coasta­l town ng probinsya upang maharang sakaling dalhin sa lugar ang mga biktima.

Ayon kay Provincial Board Member John Regala, Committee on Peace and Order chairperson, mahigpit ang koordinasyon ng provincial government upang masagip ang mag-asawang biktima.

Hinimok din nila ang mga residente na magbigay ng anumang impormasyon sakaling makita nila sa lugar ang mga biktima. Tumawag lang sa cellphone number 0909-894-79-89.

Nag-alok ng P1 milyong pabuya ang Zamboanga del Sur provincial government para mailigtas ang mag-asawa. (Vick Aquino)