Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pineke buy-bust, PNP sinibak 7 pulis

0 50

Sinibak na sa serbisyo noong Hunyo ang pitong pulis na nasa likod ng mga gawa-gawang buy-bust operation sa Bulacan na nagresulta sa pagkamatay ng anim katao, ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Eleazar.

“Ako mismo ang pumirma ng desisyon na tanggalin sa serbisyo ang mga pulis na ito matapos mapatunayan sa aming imbestigasyon na sila ay nagtanim ng droga at baril para palabasin na ang nangyari sa Bulacan ay isang lehitimong operasyon,” sinabi ni Eleazar sa isang pahayag kahapon.

“Hindi katanggap-tanggap ito at hindi ko kukunsintihin ang mga ganitong uri ng pang-aabuso at kalokohan dahil ang mga katulad nila ang sumisira sa aming kampanya laban sa droga at sa pangalan ng inyong Philippine National Police,” dagdag niya.

Ito, matapos irekomenda ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa ilang tauhan ng Intelligence Section/City Drug Enforcement Unit ng San Jose del Monte, Bulacan Police Station kaugnay sa pagkamatay noong February 18 ng anim na magkakaibigan sa ‘fabricated drug operation’ sa Bulacan.

Sinabi ng DOJ na murder at arbitrary detention cases ang isinampa laban kina P/SSGs. Benjie Enconado, Irwin Joy Yuson; P/CPLs. Marlon Martus, Edmund Catubay, Jr., Harvy Albino, Herbert Hernandez; at Pat. Rusco Virnar Madla sa Malolos Regional Trial Court noong Agosto 25.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service na ang mga biktimang sina Chamberlain Domingo, Chadwin Santos, Edmar Aspirin, Richard Salgado, Erwin Mergal at Jim Joshua Cordero ay “napadaan lang sa lugar” kung saan nagsasagawa ang awtoridad ng mga anti-illegal drug operation noong Pebrero 13, kung kailan sila inaresto.

Dinala ang mga biktima sa istasyon ng pulisya, kung saan habang nakadetine ay pawang piniringan at tinali pa ang mga kamay nila. Pebrero 18, dinala sila sa liblib na lugar sa Brgy. Gaya-Gaya at binaril. (Kiko Cueto/Riley Cea)

Leave A Reply

Your email address will not be published.