Abante Tonite Interactive

Ping: ‘Di ako naniningil ng atraso ni Arroyo

By
0 284

Nanindigan si Senador Panfilo Lacson na hindi siya naniningil ng atraso ni da­ting Pangulo at ngayon ay House Spea­ker Gloria Macapagal-Arroyo.

Sinabi ito ni Lacson bilang reaksyon sa pasaring ni Party-list Rep. Anthony Bravo na hinohostage niya ang pagpapatibay ng panukalang P3.757 tril­yong 2019 national budget upang gantihan si Arroyo.

Ayon sa senador, naging krusada na niya na harangin ang pork barrel system sa national budget at nagkataon lang na nahagip niya ang mga itinatagong pork ni Arroyo at ang ginawang pagmamanipula sa bicam report upang madagdagan ang pondo ng mga kaalyadong kongresista.

“I am a forgiving person. I have forgiven those who have wronged me. This is not about Speaker Arroyo. This is not about any congressman or senator. This is about my personal crusade against the pork barrel system. This is about the national budget, which is the lifeblood of our country,” diin ni Lacson.

Ipinagtanggol din ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III si Lacson sa na­ging paratang ni Bravo.

“Hindi naman (ganti ni Lacson). Buong Senado ang may problema dito, hindi naman si Sen. Lacson, it’s just that Sen. Lacson is very vocal about it and he is very much against the pork barrel,” saad ni Sotto.

Matatandaan na kinasuhan ng double murder si Lacson dahil sa pagkamatay ng publicist na si Salvador ‘Buddy’ Dacer at ang driver nitong si Emmanuel Corbito at inilabas ng Manila Regio­nal Trial Court ang arrest order noong Enero 2010.

Tumakas naman si Lacson pala­bas ng bansa at bumalik lamang noong Marso 2011 matapos iabsuwelto ng Court of Appeals (CA).