Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ping ginigiba sa kalkal bakuna

0 859

Pumalag si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson sa mga nagpapakalat ng poster sa social media upang palabasin na namumulitika siya sa gitna ng coronavirus pandemya.

Ayon sa senador, hindi nanggaling sa kampo niya ang poster sa Facebook page na “Ping Lacson 2022 ‘It’s Time’” kung saan makikita ang larawan niya at mababasa ang mga salitang “P-angulong I-aayos N-a muli ang G-obyerno”.

Ani Lacson, isa lamang itong black propaganda laban sa kanya dahil sa pagkuwestiyon niya sa COVID vaccine.

Pinapahanap na rin umano ng senador ang nagpakalat nito dahil sa tingin niya pinakalat ito para palabasin na namumulitika siya at may plano sa 2022 election.

“Mabuti pa sila, alam na tatakbo ako, samantalang ako ni hindi ko alam,” pahayag ni Lacson sa Abante.

Kamakailan nang palagan din ni Lacson ang patama ni Presidential Spokesperson Harry Roque na habang papalapit ang 2022 election ay may mga namumulitika na at ginagamit umano ang pandemya para sa kanilang politikal na interes.

Walang binanggit na pangalan si Roque pero inilabas niya ang pahayag matapos kuwestiyunin nina Lacson at Senadora Risa Hontiveros kung nasaan na ang bilyon-bilyong pisong inutang ng gobyerno sa mga bangko para pambili ng COVID-19 vaccine ng mga Pilipino.

Ani Lacson, porke ba pumupuna siya ay pamumulitika na agad ito.

“Really? Harry, are you serious? Just because I criticize, pamumulitika na?” tweet ng mambabatas noong Martes. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.