Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ping may vlog na

0 170

Sumali na si Partido Reporma 2022 Presidential elections standard bearer Panfilo Lacson sa hanay ng mga kilalang personalidad na nagkukuwento ng kani-kanilang personal na buhay sa pamamagitan ng iba’t ibang platform sa internet.

Ito ay sa pamamagitan ng paglulunsad ng Iping TV channel sa Youtube, kung saan, unang itinampok ang pagkakakilala sa kanya ng kanyang maybahay na si Gng. Alice De Perio, mga anak na sina Jay at Pampi at ang mga long-time security aides na sina retired Police officers Dancel at Sampilo.

Sa pagsasalarawan ni Gng. Lacson sa Partido Reporma standard bearer, indirekta nitong pinabulaanan ang impresyon na suplado ang pambato ng partido.

“Hindi ako natakot [kasi] ‘pag nakita mo naman at nakausap mo siya, mabait siya,” maiksi pero seryosong paglalahad ni Gng. Lacson.
Sa panig naman ng anak na si Jay, hindi niya malimutan kung paano sila hinubog ng ama na maging palasimba at madisiplina.

“‘Nung buhay pa sila lola’t lolo talagang every Sunday pumupunta kami ng Imus, kahit puyat ng Sabado” pagsiwalat ng nakababatang Lacson.

Pagdating naman sa disiplina, oras ng pag-uwi aniya ang kanilang nagiging batayan.

SM food to go Banner Ad

“‘Nung time kasi namin, ‘yun nga kahigpitan pa rin ni daddy noon kasi nasa pulis pa siya ‘non e. Basta ‘yung pinag-usapan na oras ng uwi, kailangan sumunod. ‘Pag lumagpas ka, makakatikim ka talaga,” banggit pa ni Jay patungkol sa kanilang mga magkakapatid.

Nagpahiwatig din si Lacson ng mga senyales na maaring makita sa kanya kapag may nagawang hindi maganda ang kanyang mga tauhan.

“Ako pagka kasi late, ang ugali ko, hindi ko kino-confront—hindi ko kinakausap maghapon,” paglalahad ni Lacson.

At ayon naman kina Dancel at Sampilo, ito ay tinutugon na lamang nila ng pag-iwas na maulit muli ang mga tingin ay mga pagkakamaling nagawa na dahilan para hindi sila kibuin ni Lacson.

Ang iba pang kuwento tungkol kay Lacson ay ipapalabas sa nabanggit na Youtube channel sa mga susunod na araw.

Leave A Reply

Your email address will not be published.