Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ping sa isyu ng WPS: Matagal na ako nakikipaglaban, nagbibingi-bingihan lang sila

0 62

Tinutulan ni Partido Reporma chairman at presidential candidate Panfilo “Ping” Lacson ang paratang ng mga kritiko na ang pagpunta niya kamakailan sa Pag-asa Island ay dala lamang ng panahon ng kampanya para sa Halalan 2022.

Iginiit ni Lacson na matagal na siyang naninindigan para ipaglaban ang soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS) at hindi para sa kanyang kampanya ang pagpunta sa Pag-asa Island, na bahagi ng pinag-aagawang Spratlys archipelago.

“Matagal na hindi lang sila nakikinig. Matagal na akong may statement dyan sa West Philippine Sea. Hindi ko na maalala kung kailan pa ako nagsimulang magsalita dyan. I think 2016 pa or even before that,” sagot ni Lacson sa akusasyon ng mga kritiko, nang makapanayam siya ng programang Ted Failon at DJ Chacha sa Radyo 5, Lunes ng umaga (Nobyembre 22).

Hindi tinukoy ni Lacson, na chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, Peace, Unification and Reconciliation, kung sinong opisyal ng pamahalaan ang hindi nakinig sa kanyang mga pahayag hinggil sa isyu ng WPS pero aniya, maaaring ginagamit lang itong dahilan ngayon para punahin siya ng mga kritiko.

“Hindi lang sila nakikinig, o ayaw lang nilang pakinggan or para lang makapag-criticize sila,” ayon kay Lacson.

At tulad ng mga nauna niyang pahayag sa mga kritiko, sinabi ng batikang mambabatas na hindi niya pinapansin ang mga paratang sa kanya dahil nakapokus ito sa paghahanap ng solusyon sa mga umiiral na problema ng bansa.

“I don’t care, I don’t mind. Basta mabuti nang nakapunta ako doon, nakita ko ang situation on ground at sabi ko nga kay Ted kanina, may mga iniisip na akong immediately ‘yung mga actionable plans na pwedeng isagawa sa ngayon pa lang,” pahayag ni Lacson.

Sinabi pa ni Lacson na nakatulong ang pagpunta niya sa isla para personal na masaksihan ang kalagayan ng mga residente at mangingisda na naninirahan dito at malaman ang kanilang mga pangangailangan.

“Kung hindi ako makapunta doon, kahit sino naman kung hindi ka nakapunta sa isang lugar, hindi mo mismo ma-a-appreciate personally. So bahala sila, mag-criticize sila. Basta gagawin ko ‘yung inaakala kong tama,” aniya.

Tanong naman ni Lacson sa mga kritiko, “Sino ba sa ating mga opisyales ng gobyerno ang nakapunta na sa Pag-asa Island? At least mayroong isa na nagpunta. ‘Di ba dapat ‘yung mga hindi naiinggit o maski ‘yung naiinggit magpasalamat din sila na mayroong isang national official na napunta doon.”

“I wonder kung sino, ilan sa mga cabinet secretaries natin, ang presidente nga hindi pa napunta doon e,” sabi pa ni Lacson.

Nitong Sabado, Nobyembre 20, bumisita si Lacson sa Pag-asa Island na may 225 kilometro layo mula sa Ayungin Shoal para alamin ang sitwasyon ng kaligtasan sa isla. Nagtirik din siya ng bandila ng Pilipinas bilang simbolo ng kanyang paninindigan para depensahan ang teritoryo ng bansa.

Leave A Reply

Your email address will not be published.