Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Ping tinukuran si Galvez sa unified protocol

0 105

Ikinatuwa ni Senador Panfilo `Ping’ Lacson ang pahayag ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na may binabalangkas nang standard quarantine protocol ang National Task Force Against COVID-19 para sa mga bakunadong Pinoy sa loob at labas ng bansa.

Matatandaang kinalampag ni Lacson ang pamahalaan na maging praktikal sa implementasyon ng mga health protocol para makabangon ang ekonomiya.

Sa kanyang pagdalo para sa simbolikong pagbabakuna ng mga A4 priority group sa Philippine Stock Exchange sa Taguig City, sinabi ni Galvez na kapag ang isang overseas Filipino worker (OFW) ay nabakunahan na kontra COVID sa ibang bansa at na-validate ito ay pareho na rin ang magiging quarantine protocol sa kanya ng mga naririto sa Pilipinas.

“Please make it sooner, not later. Mind the economy for a change,” tweet ni Lacson nitong Sabado na pinatutungkulan ang sinabi ni Galvez.

Nauna na ring sinuportahan ng senador ang pahayag ng DOH na irerekomenda nitong alisin na ang COVID test para sa mga bakunadong balikbayan.

Iminungkahi kamakalawa ni Lacson na magkaroon ng vaccine passport system para sa mga ganap nang bakunado na umuuwing OFW at mga balikbayan gayundin sa mga dayuhang negosyante upang magkaroon ng kaluwagan sa paggalaw at makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.