Abante Tonite Interactive

Pinoy na CIA agent nakonsensya, nagresign

564

Nakatisod ang ­inyong bubwit ng kahanga-hangang kuwento ng isang pinoy na iniwan ang career sa espionage at covert operations dahil nakonsensya. Yes, mga pare at mare, parang pelikula ang buhay ng kababayan nating ‘to pero sa kanya ay totoong peligro at buhay ang nakataya.

Ayon sa aking bubwit, nagawa ng pinoy na ito na makapasok ng trabaho sa White House at habang nasa tanggapan ng Presidente ng USA ay nagka-interes siyang ­pumasok sa CIA o Central Intelligence Agency bilang operatiba. Pumasa siya kahit sa mahirap na phase na walang puwedeng makaalam na ahente o operatiba siya ng CIA.

Umikot ang exci­ting pero delikadong buhay ng CIA agent sa mga misyon, na nagdala sa kanya sa Middle East at iba pang lupalop ng mundo, nang hindi alam ng kanyang misis, pamilya at mga kaibigan.

Ayon sa aking bubwit, kahit ang agent mismo’y ­nalalaman lang ang kanyang misyon sa oras na abutan ng envelope na nag­lalaman ng briefing material na puwede niya lang buksan kapag nasa lugar na ng misyon. Pagda­ting niya sa airport ay may susundo sa kanya at dadalhin siya sa lugar ng ­misyon at doon pa lang siya bibigyan ng envelope kung anong gagawin nya.

Sabi ng aking bubwit, ­marunong magpalipad ng drone ang kabayan nating CIA agent na dinadala sa kung anuman ang target at saka gagawin ang kailangang gawin kabilang ang pambobomba. Parang pelikula nga ang naging buhay nya sa CIA.

Pero pagkatapos ng maraming misyon, sabi ng aking bubwit, hindi na kinaya ng kabayan natin ang mga pinagagawa sa kanya ng CIA, na binabagabag na siya ng kanyang konsensya at gusto na niyang lumabas sa CIA.

Ang dahilan, ‘yung mga misyon niya’y nagresulta sa pagkamatay ng mga inosenteng ­sibilyan kabilang ang ­maraming bata.

Nanaig sa pinoy na ito ang likas sa mga pilipinong ­hindi masikmura ang ­gumawa ng mali lalo na ang pumatay ng mga inosente.

At nagresign siya sa CIA. Ayos ka bata pinoy ka nga – ginagawa ang tama.