Abante Tonite Interactive

Pinoy Pride ang mga angel ng Petro Gazz

323

Literal nang sasahimpapawid ang Petro Gazz Angels!

Ngayong araw ang lipad ng koponan pa­puntang Taipei City sa Taiwan para lumaban sa nakatakdang Taichung Bank International Women’s Invitational Volleyball Tournament.

Talaga namang malayo na ang narating ng halos dalawang taon pa lang na volleyball team ng Petro Gazz.

Mainit-init pa mula sa pagkamit nila ng kampeonato sa Season 3 Reinforced Conference ng Premier Volleyball League (PVL), ngayon nama’y susu­bukan ng koponan ang kapalaran sa international arena.

Bukod dito, kasali rin ang team sa PVL’s Open Conference kung saan maganda rin ang kanilang current stan­ding.

Para sa head coach ng Petro Gazz Angels na si Arnold Laniog, malaking karangalan na maimbitahan silang maglaro sa ibang bansa. Dagdag pa niya, “‘Yung tournament sa Taipei is a big opportunity for our team. Ang mga makakalaban namin are club teams from China, Japan, and Thailand, mataas talaga ang level ng competition.”

Naniniwala si Laniog na malaki ang maitutulong ng international exposure para sa karera ng buong koponan lalo pa’t marami pa raw plano ang ma­nagement para sa Petro Gazz Angels.

Pagkakataon na rin daw ito para makapag-bonding ang coaching staff at players. Sabi ni Laniog, “‘Yung one week na magkakasama kami, mayroong impact sa team bonding dahil everyday mula umaga, hapon hanggang gabi magkakasama kami. So mas magiging deep ‘yung mga relasyon ng team na ito.”

Excited naman ang mga manlalaro sa pa­ngunguna ng Petro Gazz team captain na si Chie Saet. Ayon sa kanya, “Masaya kami na kami ‘yung napili para i-represent ‘yung country. Blessed din kami na marami rin ‘yung sumusuporta sa amin, so kami naman, in return, gagawin ‘yung lahat ng makakaya para maging maganda ‘yung results.”

Kasama rin sa koponan si Stephanie ‘Paneng’ Mercado, anak ng Asia’s fastest woman na si Lydia de Vega. Minsan ko na rin siyang nai-feature sa column na ito. Musmos pa lang daw, alam na ni Paneng kung saan siya dadalhin ng kapalaran. Ika nga, ‘it runs in the blood’.

Talo man o panalo, talagang Pinoy Pride ang koponan ng Petro Gazz. Para sa mga Angels, baunin ninyo ang aming dasal na sana’y makamit ninyo ang kampeonato. Goodluck sa buong team!