Abante Tonite Interactive

Pinoy shuttlers swak sa Last 8

281

Nakapalaot ang Philippine men’s badminton team sa next round matapos makaungos sa Singapore, 3-2, sa Badminton Asia Team Championships 2020, Huwebes ng hapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Malate, Manila.

Sinandigan ng Pinoy smashers si Solomon Padiz Jr. para ibigay ang kauna-unahan nitong panalo sa matagal na panahon sa torneo sa pagtumba kay Weng Soong Darrion Michael Ng, 21-10, 21-19, upang imartsa ang team sa quarter­final round.

Una munang nabigo sa singles si Ros Leonard Pedrosa kontra Loh Kean Yew, 11-21, 8-21, bago pinag-alab nina Peter Gabriel Magnaye at Alvin Morada ang labanan sa pag-alpas kina Jun Liang Andy Kwek at Loh Kean Hean, 22-20, 21-19.

Inagaw muli ng Singapore ang isang laban nang manaig si Jia Heng Jason The sa ikalawang singles kontra Lanz Ralf Zafra, 21-14 at 23-21.

Gayunman, itinabla nina Philip Joper Escueta at Paul John Pantig sa tigalawang ­panalo ang labanan sa pagsorpresa kina Wen Xing Abel Tan at Jia Hao Howin Wong, 21-16, 21-16, bago kinumpleto ni Padiz ang tagumpay. (Lito Oredo)