Abante Tonite Interactive

Pinoy turo-turo pinarangalan sa US

381

Wagi ang isang Filipino-owned turo-turo restaurant sa Pike Place Market, Seattle ng “katapat na parangal ng ­Oscars” sa industriya ng pagkain.

Inanunsiyo ng James Beard Foundation nitong Pebrero 18, 2020, na pasok ang Oriental Mart sa anim na “America’s Classics Award” ngayong taon.

Kilala ang 47-anyos na lunch-only restaurant sa kanilang mga putahe na sinigang, adobo, longganisa, dinuguan, at pansit.

Kakaiba ang Oriental Mart kumpara sa ibang kainan: wala itong menu, website at nagbabago ang arawang menu nito (mga lima hanggang pitong ulam) depende sa trip ni Leila Rosas, ang self-taught cook ng kainan.

Nirerekomenda niya sa mga first-timer ang kanyang “Do you trust me plate?” na binubuo ng mainit-init na baboy, isda, at iba pang putahe.

“I cook what I want so that I don’t get tired of cooking the same thing every day,” hayag ni Leila sa Seattle Times.

Paparangalan ang Oriental Mart, maging ang lima pang restaurant sa “James Beard Awards Gala” na gaganapin sa Lyric Opera of Chicago sa Mayo 4.