Abante Tonite Interactive

Pinoy ulam na healthy at balanse sa katawan

966

Alam n’yo bang mayroon pang mas masustansya at mas masarap na ulam ang napag-alamang mas makapagbibi­gay ng lakas sa katawan. Narito ang mga ulam Pinoy na maituturing na healthy at balanse para sa pangangailangan ng katawan.

1. Pinakbet – Sari saring gulay ang lahok nito na mayroong bagoong alamang bilang pampalasa. Maraming sustansya mula sa talong, ampalaya, kala­basa, okra, at sitaw na kapwa mayaman sa fiber at vitamin A.

2. Tinolang manok – Masustansya ang sabaw ng manok kaya maituturing itong nasa ligtas at masustansyang ulam. Sa gulay pa lang na sayote ay puno na ng bitamina, idagdag pa ang protina mula sa manok at vitamin C mula sa luya.

Abante Hiring – IT dep

3. Malunggay – Kilala ang malunggay bilang ‘miracle vegetable’ at una nang naideklara bilang national vegetable ng Pilipinas. Ito ay mayaman sa vitamin B, C, iron, at magnesium. Ang mga dahon ng malunggay ay maaa­ring gawing pansabaw o panlahok sa sinabawang ulam.

4. Ginisang munggo – Mayaman sa protina, folate, thiamine, iron, magnesium, manganese, at phosphorus mula sa munggo at dahon ng ampalaya.

5. Lumpiang ubod – Puwedeng ulam o salad. Masasabing masustansya ito dahil sa ubod, carrots, sibuyas, singkamas at lettuce na mayaman sa vitamin A na nagpapalakas ng immune system.

6. Laing – Ito ay mula sa lalawigan ng Bicol. Ang laing ay mula sa gabi na mayaman sa vitamins A, C, at iron na mayroon pang gata at protina mula sa karne o daing na lahok. Ang magatang ulam na ito ay perfect para sa mainit na kanin.

7. Sinigang na isda – Mula sa masustansyang bangus, maya-maya, salmon, at lapu-lapu, masarap ang sinigang lalo na kapag maulan na panahon. Ang mga isda ay mayaman sa protina at omega 3 fatty acids habang mayaman naman ang kangkong sa vitamins A at C.

8. Ginisang sitaw – Sagana sa fiber at pampalinaw ng mata ang kalabasa at sitaw na nilalahukan ng karne.

9. Gising-gising – Maanghang pero masustansya rin ang pampagising na gising-gising. Ito ay mula sa baguio beans na mayaman sa mapagkukuhanan ng vitamins B6, C, K, manganese, zinc, at fiber. Isabay pa ang gata nito na nagpapasarap dahil sagana sa iron na kailangan ng katawan.

10. Ensaladang talong – Maituturing na sidekick ng anumang inihaw na putahe. Lahok nito ang mabitaminang kamatis, sibuyas at sili. Ang talong ay nagbibigay ng vitamin B at manganese sa katawan habang ang kamatis ay mayaman sa vitamin C at lycopene. (Vick Aquino)