Abante Tonite Interactive

Pintor tinodas sa selos ni misis

415

Todas ang isang mister makaraang saksakin ng kanyang misis habang nagtatalo sa loob ng kanilang silid sa Quezon City, Linggo ng gabi.

Kinilala ni Acting Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Col. Ronnie Montejo, ang biktimang si Michael Querobin Sarmiento, 35, painter at taga-#9727 Kasunduan Creek, Brgy. CoAmmonwealth, QC.

Agad namang naaresto ang misis ng biktima na si Jissel Villena Marabillo, 23, warehouse maintenance.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Anthony Tejerero, ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, ang krimen ay naganap alas-9:45 ng gabi.

Sa pahayag ni Christine Joy Sarmiento, kapatid ng biktima, narinig umano niyang nagtatalo sa silid ang mag-asawa na tila may pinagseselosang third party subalit hindi maliwanag kung sino sa dalawa ang na­ngangaliwa.

Ilang saglit lang ay narinig na niyang humihingi ng saklolo ang kapatid na si Michael kaya tinawag ang pamangkin subalit nang buksan nila ang pintuan ng silid ay nabungaran nang duguang nakabulagta ang biktima sa sahig habang tulalang nakaupo at hawak pa ni Jissel ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.

Agad na isinugod sa East Avenue Medical Center ang biktima subalit binawian din ito ng buhay sanhi ng malalim na saksak sa tiyan. (Dolly Cabreza)