Abante Tonite Interactive

Pinurga ng China

916

Kilalang sipsip ang bansang Cambodia sa China. Kaya nang makiusap si President Xi Jinping na ipagbawal ang online gambling sa Cambodia ay agad namang tumalima si Prime Minister Hun Sen noong Agosto 2019. Lumayas naman sa Cambodia ang mga online gambling operator pero lumipat naman sa Pilipinas.

Kabilang din ang Pilipinas sa pinakiusapan ni Xi pero ang ginawa lamang ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ay sinuspinde ang pag-iisyu ng mga bagong permit sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Hindi mapalayas ng gobyerno ang mga Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO sa kabila ng pakiusap ni Xi.

Akala ng mga Chinese sa ‘Pinas, tuloy ang kanilang ligaya. Nabigla na lang ang marami sa kanila na kanselado na pala ang kanilang pasaporte. Tahimik na kumilos si Xi para mapauwi ang kanyang mga kababayan na nagtatrabaho sa mga POGO. Kaila­ngan nilang kumuha ng sertipikasyon sa People’s Armed Police na hindi sila nagtatrabaho sa online gambling sa ‘Pinas. Kapag nakumpirma ito ng pulisya ng China, hindi na sila iisyuhan ng ­pasaporte as in blacklisted na sila.

Kung pupurgahin ang mga Chinese na nagtatrabaho sa mga POGO, sino ang papalit sa kanila? Mga ­Taiwanese, ­Malaysian o mga ­Pinoy kaya? Sa pagtaya ni Senador ­Sherwin ­Gatchalian, ang mabait at ­guwapong boyfriend ng beauty queen at aktres na si Bianca Manalo, hindi naman lubusang ­nakinabang ang mga Pinoy sa pagbaha ng POGO operator sa bansa.

Mga dayuhan din kasi ang kinuhang mga manggagawa. At ang nakokolektang kita sa POGO operation, umaabot lang sa P11 bilyon. Sabi ni Gatchalian, P62 bilyon dapat ang kinukubrang buwis sa mga operator. Ibig sabihin, iniisahan tayo ng mga POGO operator sa buwis dahil mayroon silang mga off-shore company.

Kunsabagay, hindi lang naman mga POGO operator ang mautak sa pagbaba­yad ng buwis. Kahit naman ‘yung mga malalaking kompanya sa Estados Unidos, magulang sa pagbabayad ng buwis dahil sa mga tinatayo nilang offshore company, karamihan ay sa mga bansang maliit ang rate ng buwis.

Tonite – Wendys Inhouse Ad