Abante Tonite Interactive

Pinuyat ng paring multo

197

Mga ka-Misteryo, nagawi na ba kayo sa mga kumbento at naranasan niyo na bang magpalipas ng magdamag doon? Nakatulog ba kayo nang mahimbing o pinuyat kayo ng mga gumagalang kaluluwa?

‘Yan ang ating paksa ngayon: “Kapag may Misteryo, alamin ang totoo!”

May dadaluhan na sports event si Ramil ng Mandaluyong sa Lipa City at last minute na ang desisyon niyang ‘wag sumabay sa kanyang team dahil may trabaho pa siyang kailangan asikasuhin ng Biyernes.

Kung kaya’t gabi na siyang bumiyahe pa-Lipa City pero kailangan niyang may matulugan. Mabuti na lang sumagot sa kanyang mensahe ang kaibigan sa Batangas at naiayos ang kanyang matutuluyan sa isang retreat house katabi ang kumbento para sa mga gustong magpari.

Kumain muna siya ng hapunan hanggang sa ihatid na siya sa silid na kanyang tutulugan. Siya lang ang nakarenta kaya’t sobrang tahimik ng pali­gid.

Kailangan niyang matulog para may lakas si­yang sasabak sa sports event kinabukasan.

Patulog na siya nang may marinig siyang lagabog sa kabilang silid pero inisip niyang pusa lang ‘yun kaya’t ipinikit ni­yang muli ang kanyang mga mata. Nakatulog siya pero pagsapit ng alas-tres nang madaling-araw ay bigla siyang nagising nang may malanghap na amoy ataul at pagmulat ng kanyang mga mata, may naaninag siyang anino sa gawing dingding ng silid — isang naka-abitong pari.

Bahagyang madilim sa silid bagaman may ilaw sa labas kaya’t aninag niya ang hitsura ng anino. Kinabahan si Ramil pero kailangan niyang magsa­lita at ipakitang matapang siya. Isiniwalat ni Ra­mil sa #TeamMisteryo ang nangyari.

Team Misteryo: “Anong ginawa mo nang makita mo ang multo ng pari?”

Ramil: “Hinarap ko siya. Sinabi kong father nakikitulog lang po ako at bagong salta po ako dito.”

Team Misteryo: “Anong sumunod na nangyari? Umalis ba ‘yung multo ng pari?”
Ramil: “Hindi siya umalis parang may gustong ipahiwatig, kaya hindi rin ako makatulog.”

Team Misteryo: “Anong ginawa mo? May nangyari bang masama?”

Ramil: “‘Yan tama ‘yang tanong na ‘yan. Habang nakatingin ako sa kanya parang papalapit siya hanggang sa nakatayo na siya sa tabi ng kama ko.

Kaya’t bumalikwas na ako, tumakbo ako palabas at nagpunta sa sasakyan ko.

Hindi ako halos nakatulog hanggang umaga.”

Ang karanasan ni Ramil ay halimbawa ng katotohanan na kasalamuha natin ang mga gumagalang kaluluwa, sinuman ang namayapa.

***

Para sa inyong mga kakila-kilabot na karanasan, mag-email sa TeamMisteryo2019@gmail.com. Bisitahin ang www.reytsibayan.com, abante.com.ph. FB: Misteryo Pilipinas.