Abante Tonite Interactive

Pipi’t bingi binaril ng lasing na sarhento

511

Dahil sa sobrang kalasingan, sugatan ang isang 36-anyos na pipi’t bingi na lalaki nang barilin ng isang pulis-Cavite sa Trece Martires City, Cavite.

Ginagamot ngayon sa Gen. Aguinaldo Memorial Hospital ang biktimang si Hermes Guevarra, taga-Block 7 Lot B-7, L-42, Phase 1, Regina Ville 2000, Brgy. Inocencio, Trece Martires City, Cavite matapos barilin ni P/MSgt. Paulo Gagua, 38, may-asawa, nakatalaga sa Trece Martires City Police Station (CPS) at taga-B-16, L-8, Phase 1, Regina Ville 2000, Brgy. Inocencio, Trece Martires City.

Sa ulat ni P/SSgt. Rene Bibon, ng Trece Martires CPS, alas-6:30 kamakalawa ng gabi nang naganap ang insidente sa bahay ng biktima sa Regina Ville 2000 Brgy. Inocenscio, Trece Martires City kung saan naglalaro ng volleyball ang biktima at Dexter Dimaranan sa gitna ng kalsada sa nasabing subdibisyon nang dumating ang suspek na lango sa alak at galit na kinompronta ang dalawa sa paglalaro.

Ilang sandali pa ay bigla na lamang sinuntok ng pulis ang biktima sa likod.
Sa takot ng dalawa ay tumakbo ito pauwi ng bahay pero sinundan siya ng pulis na armado ng kanyang service firearm at hinanap ang biktima sa ama nitong si Jessie Guevarra pero nang sinagot ng huli ay sampal ang kapalit.

Ilang sandali pa ay nahanap ng suspek ang biktima sa kanilang kusina. Pagdaka’y dinala niya ito sa kalapit na creek hanggang sa nakarinig na lamaNg ng putok ng baril.

Nang puntahan naman ng kamag-anak ang biktima ay naabutan nila ito sa creek na may tama ng bala sa tiyan kaya isinugod ito sa ospital.

Ayon kay Bibon, posibleng naingayan lang ang nasabing pulis at dahil lasing na lasing ay nagalit.

Naaresto naman ang suspek sa isinagawang follow-up operation. (Gene Adsuara)