Abante Tonite Interactive

Piskal na 5 buwan buntis patay sa 3 saksak

By ,
2,552

Tiniyak ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na bibigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isang assistant prosecutor na sinaksak ng isang lalaki habang nakatayo ang diumano’y buntis na biktima sa harap ng isang lotto outlet sa Quezon City kahapon ng umaga.

Sa inisyal na ulat ng tanggapan ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Joselito Esquivel Jr., hindi pa nakikilala ang suspek sa pagpatay kay Atty. Madonna Joy I. Ednaco-Tanyag, assistant special prosecutor ng Office of the Ombudsman at residente ng Concepcion 2, Marikina City.

Dakong alas-11:20 ng umaga nitong Lunes nang saksakin ang biktima sa harap ng lotto outlet na matatagpuan sa Visayas Avenue, Brgy. Vasra, Quezon City.

Abante Hiring – IT dep

Isinugod ang biktima sa East Avenue Medical Center pero idineklarang dead on arrival dakong alas-12:04 ng tanghali ng attending physician na si Dr. Julio Rafael Santos dahil sa tinamo na tatlong saksak.

Sinasabing may limang buwang buntis ang nasawi.

Base sa nakalap na impormasyon kahapon, may dalawang suspek na ang dinampot ng QCPD kaugnay sa pagpatay kay Tanyag.

Ang pagpatay kay Tanyag ay halos kasunod lang ng pamamaslang kay Quezon City Deputy Prosecutor Rogelio Alfi­ler Velasco na tinamba­ngan habang lulan ng kanyang sasakyan sa Brgy. Holy Spirit, Quezon City noong Mayo 11, 2018.

Nagsagawa ng kilos-protesta ang mga prose­cutor para kondenahin ang pagpatay kay Velasco at hiniling ang mabilis na imbestigasyon para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Pero hanggang nga­yon ay wala pang naihaharap o nahuhuling suspek sa pagpatay kay Velasco ang task force na binuo ng QCPD.

Bukod kina Velasco at Tanyag ay may iba pang prosecutor na ­nauna nang pinatay din.

Kabilang dito sina Quezon Assistant Provincial Prosecutor Reymund Luna, Caloocan City Prosecutor Diosdado Azarcon, Quezon City Prosecutor Noel Mingoa, Rizal Assistant Prosecutor Maria Ronatay at retired Mandaluyong City Prosecutor Pablito Gaho.

Sa pahayag ng tanggapan ni Ombudsman Morales kahapon, hiniling nito sa Philippine National Police (PNP) na masusing imbestigahan ang pamamaslang kay Tanyag at nagpaabot din ng pakikiramay sa pamilya ng biktima.