Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Pista ng Pelikulang Pilipino tuloy

0 148

NI: ROLDAN CASTRO

“Tuloy ang Pista 2020!” idineklara ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) habang inihahanda nito ang ikaapat na edisyon ng flagship event na Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP).

Ang deklarasyong ito ay naaayon sa pagsisikap ng FDCP na patuloy na tulungan at suportahan ang industriya ng Pelikulang Pilipino na nakararanas ng matitinding epekto ng COVID-19 pandemic. Ang PPP bilang isang solidarity event ay magpapalabas ng higit sa 100 na pelikula online sa eksklusibong FDCP-sponsored platform (FDCPchannel.ph) mula Oktubre 31 hanggang Nobyembre 15.

Ang PPP Online 2020 ay omnibus project na pamumunuan ng FDCP. Tampok dito ang mga pelikula mula sa local film festivals tulad ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival, Sinag Maynila Film Festival, Cinema One Originals Film Festival, CineFilipino Film Festival, ToFarm Film Festival, QCinema International Film Festival, at Metro Manila Film Festival pati na rin mula sa iba’t ibang producers at regional film festivals, at mula sa PPP, CineMarya Women’s Film Festival, at Sine Kabataan ng FDCP.

“PPP4, Sama All” ang bagong slogan ng nationwide film festival na hango sa sikat na “sana all” catchphrase para ipaalam na ang PPP Online 2020 ay magsisilbing platform para sa pagtitipon ng iba’t ibang film festivals at tiyak na mas maraming filmmakers at audiences ang mapapasama sa PPP ngayong taon. Mayroong 13 na curated sections ang PPP 2020: Premium, Classics, Documentary, Romance, Youth and Family, Genre, Regional Full-Length, Philippine Submissions to the Oscars, PPP Retro, LGBT, at Tributes para sa mga yumaong haligi ng industriya, at kasama rin ang CineMarya at Sine Kabataan.

Tampok sa Premium section ang mga pelikulang nagkaroon ng limited release o hindi pa napapalabas sa Pilipinas habang kabilang sa Classics section ang mga obra ng National Artists for Cinema o Film mula sa Philippine Film Archive Collection ng FDCP gaya ng “Genghis Khan” (1950) ni Manuel Conde, “Manila by Night” (1980) ni Ishmael Bernal, at “White Slavery” (1985) ni Lino Brocka.

Ang PPP Online 2020 Festival passes (Premium All-Access Pass, Half-Run Pass, at Day Pass) ay ibebenta sa publiko, at lahat ng kita ay mapupunta sa mga producers na kasapi sa pamamagitan ng revenue sharing. Hindi maniningil ang FDCP sa producers at hindi rin ito kukuha ng kita sa sales ng festival passes kahit na magsisilbi itong sponsor ng eksklusibong PPP Online platform at magbibigay ng marketing support para sa lahat ng PPP 2020 na pelikula.

“As we face a global pandemic, I believe that the PPP will highlight the importance of coming together to support and keep the film industry alive through the continued appreciation and love of Philippine Cinema by showing classics, indies, and contemporary films,” binanggit ni FDCP Chairperson at CEO Liza Diño.

“Despite the limited budget, the FDCP is exhausting all efforts to support Filipino filmmakers in these challenging times by holding the PPP as a representation of unity and a solidarity event that gives back to the filmmaking community greatly affected by the COVID-19 crisis,” aniya.

Samantala, ang 12 na short films ng CineMarya Women’s Film Festival ay magkakaroon ng special premiere sa PPP 2020. Inilunsad ng FDCP ang CineMarya ng may pakikipagtulungan sa Department of the Interior and Local Government at Philippine Commission on Women upang mabigyang-pansin ang kuwento ng mga babaeng Filipino, lalo na ang kanilang tibay ng loob at determinasyon na malabanan at mapagtagumpayan ang mga problema sa lipunan.

Para naman sa Sine Kabataan, ang mga pelikula mula sa nakaraang mga edisyon nito ay ipalalabas kasama ng PPP 2020 titles. Ang Sine Kabataan ay para sa short films ng filmmakers na may edad na 18 hanggang 30 tungkol sa mga isyu na may kaugnayan sa kabataan patungkol sa family values, edukasyon, kalusugan, at seguridad at peace building.

Ang ikaapat na Sine Kabataan ngayong taon ay magkakaroon ng online film development lab program. Ang workshops at sessions ng Sine Kabataan Film Lab tungkol sa script development, pitching, safe filming, at editing ay magsisimula sa Nobyembre habang idinaraos ang PPP.

Leave A Reply

Your email address will not be published.